BALAK ng local government ng lungsod ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan na pansamantalang ipasara ang mga religious pilgrimage place sa lungsod dahil sa banta ng COVID-19.
Ilan sa mga simbahan sa naturang lungsod ang madalas na binibisita ng mga deboto tuwing Mahal na Araw.
Ayon kay SJDM City Mayor Arthur Robes, kabilang sa ipasasara muna ang Padre Pio Mountain of Healing na matatagpuan sa Bgy. Paradise 3 na araw-araw na dinarayo ng daan-daang deboto dahil sa sinasabing isang mapaghimalang lugar.
Nais din ni Robes na ipasara pansamantala ang Our Lady of Lourdes Grotto na matatagpuan sa Sta. Maria-Tungkong Mangga Road ngunit ipagpapaalam pa nila ito sa mga kinauukulan dahil hindi ito sakop ng pamamahala ng Diocese of Malolos.
Kinompirma rin ng alkalde na nakapagsimba sa dalawang simbahan sa lungsod si PH21, ang unang biktima ng COVID-19 sa SJDM City kaya binabalikan nila upang malaman kung kailan at kung sino ang mga nakahalubilo.
Ayon sa alkalde, lilimitahan na rin nila ang misa sa mga simbahan upang maiwasan ang maramihang pagtitipon ng mga tao.
Kasama ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa ipinagbawal ayon sa ilalim ng Code Red Sublevel 2, batay sa pahayag ni Health Secretary Francisco Duque.
(MICKA BAUTISTA)