TODAS ang isang hinihinalang notoryus na drug pusher habang apat na drug peddlers ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal drug raid na isinagawa ng Bulacan PNP hanggang kahapon, 7 Nobyembre.
Kinilala ni P/Col. Chito Bersaluna, provincial director ng Bulacan PNP, ang napatay na suspek na si Rolando Oledan, residente sa Phase- 5 NHV, Barangay Tigbe, sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Maj. Avelino Protacio, Officer-in-Charge (OIC) ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS), nakipagbarilan si Oledan sa mga operatiba ng Norzagaray MPS nang matunugan niyang undercover agent ang ka-deal sa napagkasunduang transaksiyon sa droga sa nabanggit na lugar dakong 7:30 pm.
Napilitang gumanti ang mga pulis at sa ilang saglit na palitan ng putok ay nagresulta ito sa kamatayan ng drug suspect.
Ayon sa ulat, si Oledan ay notoryus sa malawakang pagbebenta ng ilegal na droga sa Barangay Tigbe at mga kanugnog nitong barangay.
Narekober sa napatay na suspek ang mga plastic sachet ng shabu, baril, bala, shabu residue sa iba pang plastic sachet, at buy bust money.
Sa dagdag na ulat ni Bersaluna, apat na drug suspects ang naaresto sa mga serye ng anti-illegal drug raids na isinagawa ng Bocaue MPS, Pandi MPS at San Jose del Monte CPS.
Dinala ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Crime Laboratory para sa kaukulang pagsusuri samantala sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Acts of 2002 ang mga naarestong drug suspects.
Kaugnay nito, pinaigting ng Bulacan police ang kampanya laban sa ilegal na droga na kilala bilang pagtalima sa “Project Double Barrel Reloaded” sa direktiba ni Acting Regional Director ng PNP Region 3, na si P/BGen. Rhodel Sermonia.
(MICKA BAUTISTA)