PINAALALAHANAN ni Magdalo Rep. Gary Alejano ang Mabalasik Class ng Philippine Military Academy na nagtapos ngayon na laging alalahanin ang idealismo na natutuhan sa Academy.
“Laging isapuso ang pagmamahal sa bayan, at ang pagiging tapat sa tungkulin sa lahat ng panahon. Kayo ay sundalo ng bayan at hindi ng iilan. Samot-sari ang tukso sa serbisyo kaya dapat maging matatag. Alalahaning marami na rin graduates ng PMA ang naging corrupt nang maging senior officer o nang nagsilbi sa gobyerno matapos magretiro kahit pa man sila ay puno ng idealismo noong sila ay nagsimula pa lamang sa serbisyo,” ani Alejano.
Nagpaalala rin si Alejano sa mga nagtapos na mamuhay lamang sa makakaya ng suweldo.
“Huwag tuluran ang mga nakikita tuwing alumni homecoming o bumibisita sa PMA na nagpaparada ng naggagandahang babae na ‘di naman nila asawa o nagpapakita ng rangya sa pamagitan ng mamahaling sasakyan, alahas, at naglalakihang bahay na mansiyon kahit alam mong ‘di naman kaya ng kanilang mga suweldo sa gobyerno. They should not be your role models. ‘Di dapat sila kainggitan,” ayon kay Alejano.
Aniya ang pagtatapos sa PMA ay hudyat sa bagong yugto ng buhay sa pagsisilbi sa bayan at mamamayan.
Ayon kay Alejano, nagtapos sa PMA Marilag Class noong 1995, ang PMA Honor Code nagsasabi na “ang isang kadete ay hindi magsisinungaling, mandaraya, o magnanakaw o konsintihin ang mga gumagawa nito,” ay hindi lamang naaangkop sa loob ng apat na kanto ng akademiya at ito ay dapat isapuso at isabuhay sa lahat ng panahon habang kayo ay nabubuhay.
(GERRY BALDO)