TALIWAS sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang basehan ang sinabing shabu ang laman ng apat na magnetic lifters na namataan sa Cavite, nanindigan si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na shabu nga ang laman nito.
Ani Aquino, sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, ang mga kagamitan na huli sa General Mariano Alvarez sa Cavite ay nagkalaman ng hindi kukulangin sa P6.8-bilyong shabu.
Giit ni Aquino, hindi nangangahulugan na pag negative ang swab tests sa dalawang magnetic lifters na ginawa noong Miyerkoles sa Bureau of Customs, wala nang ilegal na droga roon.
“It doesn’t mean ‘pag negative, walang drugs,” pahayag ni Aquino sa harap ng nga miyembro ng Dangerous Drugs committee na pinamumunuan ni Surigao del Sur Rep Robert Ace Barbers.
Nauna nang nahuli ng BoC ang 355 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P4.3 bilyon sa loob ng dalawang magnetic lifters sa Manila International Container Port.
Nanindigan si Aquino na mapagkakatiwalaan ang kanilang “drugs-sniffing dogs” na nagtatrabaho ng mainam para maghanap ng mga ilegal na droga.
Nauna nang sinabi ni Duterte na “pure speculation” ang pahayag ng PDEA na P6.8 bilyong shabu ang nakalusot sa pamamagitan ng mga magnetic lifters.
Ang apat na magnetic lifters ay namataan ng PDEA sa isang warehouse noong 9 Agosto sa GMA, Cavite.
ni Gerry Baldo