PANG-CULTURAL Center of the Philippines na rin si Michael Pangilinan.
At ‘di lang sa maliliit na teatro sa CCP kundi sa pinakabonggang venue roon, ang Tanghalang Nicanor Abelardo, na mas kilala pa rin bilang Main Theater.
Ni hindi rin sa isang independent production magpe-perform si Michael kundi sa isang pagtatanghal na mismong ang CCP ang producer sa pamamagitan ng isa sa resident companies nito: ang Ballet Philippines (BP). Ganoon kabongga, ganoon kasosyal.
Si Michael ang isa sa pangunahing pop idol star na magpe-perform sa pop ballet show na Awitin Mo, Isasayaw Ko na sa weekends ng December 2-11 itatanghal. Hindi ito isang concert na may kanta lang ng kanta at sayaw ng sayaw. May kuwento ito na pinakatha ng BP kay Bibeth Orteza, ang paboritong scriptwriter ni Vic Sotto.
Ayon sa BP, ang Awitin Mo At Isasayaw Ko ay tungkol sa bawal na pag-ibig ng isang kolehiyala at isang construction worker. Dekada 70 ang panahon ng kuwento: panahon ng disco fever at Martial Law sa ating bansa. Tampok din sa show, siyempre pa, ang BP dancers.
The show features Filipino disco favorites such as Rock Baby Rock, Magsayawan and Ipagpatawad Mo along with Bert de Leon’s Hindi Ko Akalain, Roger Rigor’s Ikaw ang Aking Pasko and Celso Llarina’s and Roger Rigor’s Puwede Ba? Ang mga kabataang mananayaw na sina Carissa Adea, James Laforteza, at PJ Rebullida ang magko-choreograph ng pagtatanghal na ididirehe ni Paul Alexander Morales, mismong artistic director ng BP. Exciting na panoorin kung paano gagawing mala-disco ang ballet. Pasasayawin din kaya ng “ballet disco” ang pop idols?
Actually, may alternates sina Michael, Karylle, Markki Stroem, at Kyle pero sila ang inia-announce na performers sa opening gala night. Ang alternates nila ay sina Sandino Martin, Cooky Chua, Jef Flores, at Noel Comia.
Ang boyband na VST & Co. ang nagpasikat ng kantang Awitin Mo at Isasayaw Ko. Miyembro niyon ang magkakapatid na Tito, Vic, at Val Sotto, magkakapatid (o magkakamag-anak) na Spanky, Male, at Roger Rigor.
Mag-ipon na ng pambili ng tiket. May panahon pa.
KITANG-KITA KO – Danny Vibas