ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
BILIB si Direk Rommel Ricafort sa lead stars na sina Arci Munoz at Kang Donggun na bida sa pelikula niyang Sweet Escape. Isa ito sa entry sa ongoing 8th Sinag Maynila Independent Film Festival.
Pahayag niya, “Si Donggun, napaka-professional. Walang kaarte-arte. Di niya iniisip na kailangan siyang estimahin. Siyempre nakikita ko lead actor siya ng commercial airlines sa Korea, tapos may mga indie films din siya. Iyon naman ang maganda sa discipline ng Koreans. They always say, nandito sila para magtrabaho, hindi para magbakasyon kaya ‘di sila dapat itratong VIP.
“Sobra rin siyang mag-aral ng script. Mahal na mahal niya ‘yung script niya. Ang daming notes and mga post-it ng reminders. Nakatutuwa. Mawaglit lang ang script, parang wallet na nawawala. Ganoon naman yata sila, nakita ko rin sa mga nauna kong Korean actors. Ibinigay niya talaga ang best niya for this movie.”
Pagpapatuloy ni Direk Rommel, “Si Arci alam naman natin na magaling siyang umarte. Evident ‘yun sa mga eksena, magaling siya magpakilig. Ginagawa niyang way beyond the director’s vision. Kina-clarify lahat kung pasado ba ang atake niya sa isang eksena, sasabihin ko sa kanya, ‘Sige tignan natin.’ Okay naman basta hindi mawawala sa context.”
Dagdag niya, “Ang movie ay hindi ‘yung inaasahan na rom-com, kaunti lang ang rom-com dito, mas maraming drama. Hindi siya ‘yung tipong pang bagets, pa-cute, pakilig. Yes, mayroon kaunting ganoon pero maraming pertinent matters na na-tackle sa kuwento. ‘Yung iba ‘di lumalabas sa dialogue kundi sa mga detalye sa paligid. Kaya kapag hindi mag-pay ng attention, baka hindi nila masyadong maintindihan.”
Ang Sweet Escape ay ukol sa dalawang taong pinagtagpo sa isang isla na parehong tinatakasan ang sugat ng kanilang nakaraan. Kasama sa cast sina William Lorenzo, Matet De Leon, Ayeesha Cervantes, Ana De Leon, Brylle Parzuelo, at Alex Chang.
Nagpasalamat siya sa Sinag Maynila, “Thankful, very thankful kami sa Sinag Maynila for recognizing our craft. Feeling ko more than pa sa nanalo ako sa raffle or sa lotto or even ‘yung nakakuha ako ng mga film grants. Siyempre at this period of time na hirap na hirap kaming filmmakers to gain recognition, ‘yung napaka-tight ng competition, pero napansin kami nang hindi basta-bastang festival.”
Ano ang epekto o tulong nito sa movie industry? “Iyong tulong ng Sinag Maynila ay doon sa parteng most challenged kaming filmmakers, e. ‘Yung sa distribution and exhibition, ‘yung makapagpalabas sa sine nang hindi namin kailangan masyadong gumastos. Hindi sila government entity pero nagagawa nila ito. Kaya nakabibilib. Isa pa, hindi sila biased. Kahit newbie, basta nagandahan sila sa gawa, binibigyan nila ng chance. ‘Yun ang pinakanakabibilib sa Sinag Maynila,” esplika ni Direk Rommel.
Ang Sinag Maynila ay itinatag ng movie producer na si Wilson Tieng ng Solar Studios, Inc., kasama ang award-winning filmmaker at Cannes Best Director na si Brillante Mendoza as Festival Director. Ito’y mapapapanood hanggang March 29, 2026.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com