NOONG nakaraang taon, nakikipaglaban ang skincare at beauty mogul na si Glenda Dela Cruz, na mas kilala bilang “Miss Glenda,” para sa kanyang buhay sa Intensive Care Unit (ICU), nakakabit sa mga makinang tumutulong sa kanya para mabuhay matapos ma-stroke at magkaroon ng pneumonia.
“Last year po nasa ICU ako, nag-aagaw buhay. Iyong mga anak ko umiiyak po sa akin. And I almost gave up. Nasabi ko ayoko na po, ayaw ko na po talaga,” wika ni Miss Glenda sa panayam ni Ogie Diaz.
“Nagsimula siya sa pneumonia. So ‘yung lungs ko po, napapalibutan siya ng phlegm. And then after four days, na-stroke po ako. Then iyon na po, nag-worsen po iyong condition ko,” dagdag niya.
Sa isang punto, nagsulat pa siya ng liham sa kanyang pinsan para ipahayag ang kanyang kagustuhang sumuko na sa laban.
Ngunit nang dalawin siya ng mga anak sa ospital, muling nabuhay ang kanyang kagustuhang mabuhay.
“So the moment na pag-alis ng mga anak ko, nagsabi na po ako na ilipat niyo po ako sa mas malaking ospital,” wika niya, sa pagsasabing naantala ang kanyang paglilipat, kinailangan pang lumagda ang kanyang mga kamag-anak sa ilang dokumento dahil delikado ang proseso ng paglilipat sa kanya sa ibang ospital.
Ngayong binigyan siya ng tinatawag niyang pangalawang buhay, sinabi ni Miss Glenda na napagtanto niyang may mas malaking layunin pa siya.
“I think, after everything that happened to me, parang siguro po sinasabi Niya sa akin na hindi ka pa pwedeng mag-give up kasi ang dami pang umaasa sa iyo,” wika niya, bilang pagtukoy sa kanyang mga mahal sa buhay at sa mahigit 1,000 manggagawa sa Brilliant Skin Essentials — ang kompanyang itinayo niya mula sa wala, mula sa pagiging ordinaryong manggagawa hanggang sa pagiging matagumpay na negosyante.
“I have 1000 employees, can you imagine kung sumuko ako? Pag na-down ako? Maraming family na maaapektuhan. Mayroon po akong mga empleado na mga hindi nakakapagsalita, hindi nakakarinig. May mga kapansanan na sinabi nila sa akin noon na ako lang ‘yung tumanggap sa kanila. So, kung mawawala po ‘yung Brilliant Skin Essentials, parang mawawala na rin ‘yung purpose ko,” sabi pa niya.
Ngayong desidido na siyang harapin ang mga hamon at kontrobersiya, sinagot niya ang mga paratang laban sa kanya, gaya ng mga kumakalat na tsismis na siya umano ang money launderer ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
“Nagulat po ako kasi after two weeks of my vacation na sobrang jetlag pa ako, biglang may lumabas po na blind item na sinasabi po nila na there’s a possibility that Miss Glenda is linked with Zaldy Co because she went to Portugal,” paliwanag niya.
Sinabi ni Miss Glenda na hindi niya kilala at hindi pa niya kailanman nakita si Co, at iginiit na ang kanyang pagiging bilyonaryo ay bunga ng maraming taong pagsusumikap at pagpapaunlad ng kanyang negosyo.
“Ilang taon na po ‘yung paratang sa akin. Kasi ayaw po nilang maniwala na possible na sa isang skincare pwede ka talagang kumita ng malaki. So, sinasabi nila na kaya ako nakaka-afford ng ganitong lifestyle kasi money launderer na po ako,” paliwanag pa ni Ms Glenda.
Habang patuloy ang kanyang paggaling, sinabi ni Miss Glenda na nakatuon siya ngayon sa kanyang kalusugan, pamilya, at mga negosyo, at iginiit na sulit ang naging desisyon na ipaglaban ang kanyang buhay.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com