NASAKOTE ng mga awtoridad ang siyam na menor de edad at isang 18-anyos suspek, matapos ang nag-viral na away-kalye sa kanto ng mga kalyeng Herbosa at Magsaysay sa Tondo, Maynila, nitong Lunes ng madaling araw, 2 Marso.
Sa video na kumalat sa social media, makikitang tumatakbo ang grupo ng mga kabataang lalaki dakong 4:30 ng madaling araw na may bitbit na mga kahoy at iba pang improvised na armas.
Kinilala ng Manila Police District–Raxabago Police Station ang 18-anyos na suspek na si Chris Adriano, alyas Jumong, na nahulihan ng patalim at kasalukuyang nahaharap sa kasong Alarm and Scandal at Illegal Possession of a Deadly Weapon.
Nabatid na sangkot si Adriano sa insidente ng pagnanakaw ng tanso mula sa isang truck noong isang buwan.
Samantala, inilipat sa kustodiya ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang walong kabataang nasa edad 13 hanggang 16 anyos para sa angkop na interbensiyon.
Nakatakdang sampahan ng pamahalaang lungsod ng mga kaso ang mga magulang ng mga sangkot na menor de edad dahil sa pagpapabaya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com