ARESTADO ang isang lalaki nang magresponde ang mga awtoridad sa sumbong ng Unified 911 na may umaali-aligid na lantarang may bitbit na baril sa Cubao, Quezon City, nitong Lunes, 2 Marso.
Sa ulat na isinumite kay Chief PNP P/Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., nabatid na dakong 12:47 pm kamakalawa, nang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang 911 kaugnay sa isang lalaking may bitbit na baril na nagdulot ng pangamba sa mga residente sa Stanford St., Barangay Socorro.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng QCPD Station 7 para agad disarmahan at dakpin ang suspek na may hawak na kalibre 5.56 revolver, kargado ng dalawang bala.
Nabatid na nakatala ang suspek na may mga naunang kasong may kaugnayan sa ilegal na sugal at pagnanakaw.
Isinailalim ang suspek sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com