KINOMPIRMA ng Philippine Embassy sa Israel ang pagpanaw ng isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa gitna ng missile attack sa Tel Aviv nitong Sabado ng gabi, 28 Pebrero.
Kinilala ang biktimang OFW sa airstrike na si Mary Ann De Vera, 32 anyos, mula sa Basista, Pangasinan, at nagtatrabaho bilang caregiver sa Israel simula noong 2019.
Nakompirma ang pagkakakilanlan ni De Vera sa pamamagitan ng kaniyang biometric records sa Abu Kabir Forensic Institute, kung saan din siya positibong kinilala ng kaniyang asawang nagtatrabaho rin sa Israel.
Nabatid na tinutulungan ni De Vera ang kaniyang alaga na magtungo sa isang bomb shelter ngunit naabutan sila ng air strike.
Tinamaan si De Vera ng shrapnel mula sa bumagsak na bomba na naging dahilan ng kaniyang kamatayan.
Tinawagan ni Ambassador Aileen Mendiola ang kaniyang asawa upang ipahatid ang pakikiramay ng Embahada at ipaalam sa kaniya ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan ng Filipinas.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com