ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PINANGUNAHAN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto ang panunumpa sa tungkulin ng dalawang bagong Board Members noong Lunes, 9 Pebrero 2026, sa MTRCB Liezl Martinez Hall, Quezon City.
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sina Sarah-Ingrid Aurelia B. Sia at Atty. Jerico A. Antonio, kapalit nina Mark Anthony Andaya at Glenn Patricio, na parehong natapos na ang termino sa panunungkulan.
Alinsunod sa Section 2 (Composition; Qualifications; Benefits) ng Presidential Decree No. 1986, ang mga miyembro ng MTRCB ay manunungkulan nang isang taon, pero puwedeng maitalaga muli matapos ang kanilang termino.
Batay sa kanilang appointment na nilagdaan ng Pangulo noong 30 Enero, sina Sia at Antonio ay manunungkulan hanggang 30 Setyembre 2026.
Malawak ang karanasan ni Sia sa marketing, financial planning at organizational operations, bukod sa kanyang kaalaman sa treasury product marketing na sumasaklaw sa cash management, foreign exchange at investment solutions.
Si Antonio ay isang aktor at producer sa pelikula at telebisyon, at isa rin miyembro ng Philippine Bar, na may matibay na akademikong pundasyon at pormal na kasanayan sa larangan ng batas.
Tiwala si Sotto sa propesyonalismo ng mga bagong Board Member, at binigyang-diin ang mahalagang ambag sa mandato at misyon ng Ahensiya.
“Ang kanilang propesyonal na karanasan, integridad at mga bagong pananaw ay lalo pang magpapatibay sa pangako ng MTRCB na isulong ang responsableng panonood,” ani Sotto.
Pinasalamatan din niya sina Andaya at Patricio sa kanilang tapat na paglilingkod sa publiko. “Malaki ang naging ambag nila sa pagsusulong ng ating misyon, at hangad natin ang kanilang patuloy na tagumpay sa mga susunod nilang gawain,” dagdag ni Sotto.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com