BUNGA ng matagumpay na resulta ng programang Quezon City Human Milk Bank (HMB) ng Local Government Unit (LGU) ng lungsod lalo pang palalawigin ang serbisyo nito upang mas marami pang matulungan.
Nabatid na maging non-QC residents ay nakinabang sa gatas ng QC na maraming buhay ang nailigtas.
Sa datos ng QC-LGU, nitong 2025 lumalabas na ang mayorya ng mga benepisyaryo ng programa ay mula sa labas ng lungsod. Nagpapatunay na naging matatag na maternal support system ng lungsod ang dedikasyon nito sa pagtulong sa pangangalaga ng mga bagong silang na sanggol sa rehiyon.
Sa rekord, nitong 2025 ang 56 porsiyento ng supply ng pasteurized human milk ay naipamahagi sa taga-labas habang 44 porsiyento sa QCitizens, patunay na lumalaki ang papel ng Quezon City bilang sentro ng tulong at referral para sa mga bulnerableng sanggol sa buong Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Nagbibigay ang milk bank ng pasteurized human milk para sa mga preterm (kulang sa buwan) at mga sanggol na may medikal na pangangailangan, lalo na kung ang kanilang mga ina ay nahihirapang mag-produce ng gatas o may pinagdaraanang karamdaman.
Sa kabuuan, 496 sanggol ang napaglingkuran ng QCHMB noong 2025, sa naipamahaging 738,670 mililitro ng gatas
Ang mas mababang bilang ng mga tumanggap sa loob ng Quezon City ay repleksiyon ng pagiging epektibo ng mga serbisyong pangnutrisyon at lactation support program ng lungsod. Dahil dito, maraming QC mothers ang nagiging sapat ang kakayahan na matugunan ang pangangailangan ng kanilang sariling mga sanggol.
“Malugod nating itinitulong ang ating serbisyo sa mga ina at sanggol na nangangailangan, kahit pa sila ay nasa labas ng Quezon City,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
Kabilang sa mga lungsod at lalawigan na madalas kumuha ng gatas mula sa QCHMB ay ang Maynila, Mandaluyong, Bulacan, Caloocan, Makati, Rizal, at iba pa.
Naging posible ang malawak na pag-abot ng milk bank dahil sa kabutihang-loob ng 3,315 donors noong 2025.
Tumatanggap ng donasyong gatas sa Quezon City General Hospital at Novaliches District Hospital sa pamamagitan ng walk-in donations, milk-letting activities sa mga health center, at mga nakaiskedyul na milk pick-up. Ang lahat ng nakolektang gatas ay sumasailalim sa mahigpit na proseso ng pasteurization upang matiyak na ligtas itong inumin ng mga sanggol. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com