MATAGUMPAY na naaresto ng Provincial Intelligence Unit ng Bulacan Police, katuwang ang Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company at Caloocan City Police Office, ang isang lalaking kabilang sa No. 10 Most Wanted Persons sa Bulacan.
Sa ulat mula kay P/Colonel Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, isinilbi ang warrant of arrest sa Brgy. 178, Camarin, Lungsod ng Caloocan.
Kinilala ang naarestong akusado na si alyas Narcing, 52 anyos at residente sa Brgy. Lias, Marilao, Bulacan.
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control Number: G-2026-002-PRO3-BULPPO-PIU kaugnay ng kasong robbery na kinakaharap ng akusado.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bulacan Police Provincial Office ang akusado matapos sumailalim sa medical examination, habang isinasagawa ang dokumentasyon bago ibalik ang warrant sa korteng nag-isyu nito.
Ayon kay PLtColonel Russel Dennis E. Reburiano, Chief ng PIU, ang operasyon ay bunga ng mahusay na koordinasyon ng mga awtoridad upang tiyakin ang agarang pagpapatupad ng batas at seguridad ng publiko. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com