HATAW News Team
INIREKOMENDA ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kasong pandarambong o plunder at mga kasong kriminal sina senators Joel Villanueva, Jinggoy Estrada at Francis “Chiz” Escudero batay sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa imbestigasyon sa flood control projects.
Sa nag-leak na kopya ng borador o draft partial report na pinapipirmahan sa mga senador, inirekomenda rin na isama sa kaso sina dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na kasalukuyang nakapiit, at ang dating mambabatas na sina Zaldy Co at Mitch Cajayon-Uy.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, noong 3 Pebrero inikot ang draft report at nilagdaan ng anim na senador na kinabibilangan nina senators Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, Win Gatchalian, Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Kiko Pangilinan.
Kalaunan, binawi nina Zubiri, Ejercito, at Gatchalian ang kanilang lagda dahil kailangan pa nilang pag-aralan ang pinal na committee report.
“Maybe due to the complexity and sensitivity involving the issues and personalities mentioned in the draft committee report, many members prefer to discuss and understand the contents of the report before they affix their signatures. Others may want to include their inputs,” ani Lacson.
Ayon kay Lacson, kailangan ng 11 lagda sa committee bago maging opisyal at kung hindi makakukuha nang sapat na bilang ay hindi valid ang partial committee report.
Pinanindigan ni Lacson ang nilalaman ng draft committee report partikular ang paghahain ng kaso laban sa tatlong senador. (May kasamang ulat ni NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com