MAHALAGANG hakbang ang pag-aproba sa nationwide digital connectivity master plan upang magkaroon ng malinaw na direksiyon ang mga reporma sa internet access na itinatakda ng Konektadong Pinoy Act, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na siyang principal author ng batas.
Nitong 26 Enero 2026, inaprobahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang master plan na naglalayong palawakin ang maaasahan at ligtas na internet connection sa buong bansa, lalo sa mga lugar na matagal nang kulang o wala pang serbisyo.
Ito ay naipasa limang buwan matapos maging ganap na batas ang Konektadong Pinoy Act noong Agosto 2025. Layunin ng naturang batas na alisin ang mga hadlang sa pagpasok ng mga internet service provider, palakasin ang kompetisyon sa sektor, at magbigay sa publiko ng mas abot-kaya at mas maraming pagpipilian na internet services.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na idinisenyo ang Konektadong Pinoy Act upang i-update ang digital framework ng bansa at palawakin ang access sa internet. Ngunit ayon sa senador, magiging limitado ang epekto ng batas kung walang malinaw at pangmatagalang plano sa koneksiyon.
“(This law) modernizes our digital infrastructure, ensuring that all Filipinos have access to, and the use of, affordable, quality, and up-to-date information and communication technologies,” wika niya.
“[Pero] kahit anong ganda ng plano mo for ICT (Information and Communications Technology), kung ‘di ka rin connected, wala rin mangyayari,” dagdag niya.
Binigyang diin din ni Cayetano ang kahalagahan ng modernong teknolohiya sa pagpapabilis ng mga transaksiyon sa gobyerno, pagpapalakas ng transparency, at pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo publiko.
“If all of these different laws work, we also hope to have free WiFi in the schools to help the students,” wika niya.
Ayon kay Cayetano, ngayong aprobado na ang nationwide digital connectivity master plan, ang maayos na pagpapatupad nito ang magiging susi upang matiyak na maisasalin ang mga umiiral na batas sa mas maayos na internet access para sa mga serbisyong pampubliko at sa sektor ng edukasyon. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com