NAKHON RATCHASIMA – NIREGALUHAN ni Paralympian Gary Bejino ang anak nito na nagseselebra ng kaarawan pati ang Team Pilipinas sa pagsungkit sa pinakaunang nakatayang gintong medalya sa record time sa 13th ASEAN Para Games sa pagwawagi sa 400m freestyle S6 ng swimming competition.
Ibinuhos ng 35-anyos na si Bejino ang lakas sa simula pa lamang upang agad na iwanan ang mga karibal tungo sa halos isang lap na distansiya sa pagtatala ng bagong record sa kategorya sa 5:32.08 tiyempo na kompetisyon na ginaganap sa His Majesty the King’s 80th Birthday dito sa Thailand.
Binura nito ang kanyang itinala na record noong 2023 na 5:38.26 sa Cambodia para maiuwi ang kanyang kabuuang anim na gintong medalya kasama ang ibang disiplina sa kada dalawang taong torneo.
“Masayang-masaya nakakuha ng ginto, saka iyung time naibaba ko ng kaunti,” sabi ni Bejino, na inialay ang kanyang panalo sa kanyang anak na nagseselebra mismo ng kaarawan sa araw na nagawa nitong maipanalo ang kanyang ikaapat na gingong medalya sa 400m freestyle sa una pa lamang nitong langoy.
“Nagkataon na kasabay din sa birthday ng anak ko na si Gray Bejino, at kay coach Bryan kasi birthday din niya kahapon at si Sir Leo. Kagabi ko pa iniisip na birthday ng anak ko kaya inisip ko na nakakadagdag din siya ng mood para manalo,” sabi ni Bejino ukol sa kanyang 2 taong anak.
Ilang sandali lamang ang lumipas ay hindi naman nagpaiwan ang kapwa nito Paralympian at nakatakdang maging ama na si Gawilan sa pagsungkit sa pangalawang gintong medalya ng bansa sa pagwawagi nito sa 400m freestyle S7 sa oras na 5:02.39.
Gayunman, kinailangan ng 35-anyos na si Gawilan na maghabol makalipas ang tatlong lap bago inabutan ang karibal mula Singapore na si Wei Soong Toh ng Singapore tungo sa pagwawagi sa kanyang unang gintong medalya sa torneo.
“Unang-una, iniaalay ko ito sa ating bansa saka sa baby ko na nakatakda pa lamang lumabas,” sabi ni Gawilan patungkol sa kanyang isisilang na anak na babae na pinangalanan nitong Francheska Ylyana.
Samantala’y kapwa naman nabigong maagaw ng Philippine Men at Women ang mga gintong medalya sa 3×3 wheelchair basketball sa host kapwa defending champion na Thailand.
Nalasap ng Lady Warriors ang 5-12 kabiguan sa una nitong kampeonato at magkasya na lamang sa una nitong pilak na medalya at pagtatala sa kasaysayan matapos ang walong taon na pagkauhaw.
Nagpatuloy naman ang kabiguan ng PHI Warriors kontra sa mga Thais sa paglasap ng 13-20 pagkatalo.
Samantalay nag-ambag si Marydol Pamati-an ng pilak sa 41kg sa pagbuhat nito sa kabuuang 77kg. at Denesia Esnara ng tanso sa 55kg category sa pagbuhat ng 73 kg women’s para powerlifting.
May tanso din mula kina Michael Bayani sa para cycling at Francisco Ednaco sa single’s event ng Tenpin Bowling. (PSC ICE/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com