SA BISPERAS ng Kapistahan ng Santo Niño, muling ipinagdiwang sa bayan ng Pakil ang Salibanda bilang pagpupugay sa Mahal na Poong Santo Niño.
Ang Salibanda ay nagmula sa salitang “Saliw sa Banda” at unang umusbong sa karatig-bayang Paete.
Daan-daang deboto ang nakilahok sa prusisyon—nagbabasaan, nagsasayawan, at sabay-sabay na sumisigaw ng “Viva Santo Niño!”
Malaki ang papel ng tubig sa buhay at kasaysayan ng mga Pakileño. Noon pa man, pangingisda sa Laguna de Bay ang pangunahing kabuhayan ng marami.
Ang tubig mula sa Panghulo (Turumba Swimming Pool) ay patuloy na itinuturing na bukal ng buhay at biyaya sa bayan.
Kaya bukod sa tradisyonal na pagbabasaan tuwing Salibanda bilang paalala ng ating binyag bilang mga Kristiyano, inilulubog din ang Poong Santo Niño sa Panghulo at Estaca bilang panalangin para sa masaganang huli at ani ng buong bayan ng Pakil.
Ang pamilyang Antazo–Mejia ang naging sponsors ng Salibanda ngayong 2026. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com