IPINAGDIWANG kahapon, 19 Enero ng Liberal Party of the Philippines ang kanilang ika-80 anibersaryo bilang pagpupugay sa mga Filipino na tumulong humubog ng isang malaya at demokratikong bansa.
Itinatag noong 1946, naging bahagi ang Partido ng mahahalagang yugto ng kasaysayan—mula sa muling pagbangon matapos ang digmaan hanggang sa patuloy na pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya.
“Hindi basta ibinagsak mula sa langit ang demokrasya—ito’y binuo at maaari rin wasakin,” pahayag ni LP Acting President Atty. Lorenzo “Erin” Tañada III. Sa gitna ng marupok na demokrasya, lumalalang kahirapan, at bumababang tiwala sa mga institusyon, pinili ng Partido na magpatuloy.
Binigyang-diin ng LP na mas madaling mabura ang demokratikong tradisyon kaysa ito’y muling itayo.
Isasagawa ng Partido ang taunang kombensiyon at pagdiriwang upang hikayatin ang susunod na henerasyon ng mga lider at panibaguhin ang panawagan para sa isang malaya, inklusibo, at makabagong lipunan.
“Aminado kami sa bigat ng hamon,” dagdag ni Tañada. “Ngunit nakatali ang aming kasaysayan sa laban na ito—sapagkat ang demokrasya ay nangangailangan ng tapang, pakikilahok, at sakripisyo.” (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com