NAKATAKDANG bumiyahe patungong Dubai, United Arab Emirates sa Linggo, Disyembre 7, at Lunes, Disyembre 8, ang 67-kataong delegasyon ng Pilipinas—kabilang ang 48 kabataang atleta—para lumahok sa 2025 Asian Youth Para Games.
Aalis sa Linggo ang pangunahing grupo ng delegasyon, na binubuo ng mga atleta at opisyal mula sa para archery, para athletics, boccia, goalball, para powerlifting, para swimming, at para table tennis. Samantala, sa Lunes naman nakaiskedyul umalis ang natitirang mga kasapi, kabilang ang mga atleta mula sa wheelchair basketball 3×3 at para badminton.
Pangungunahan ang pambansang delegasyon ng chef de mission na si Milette Santiago-Bonoan, kasama ang pangulo ng Philippine Paralympic Committee na si Mike Barredo at ang kalihim-heneral na si Goody Custodio.
Tinatayang mahigit 1,500 para athletes mula sa 35 bansa sa Asya ang makikipagtagisan sa ikalimang edisyon ng palaro, na itinakdang ganapin mula Disyembre 7 hanggang 14.
Ang proseso ng para sports classification ay magaganap mula Disyembre 7 hanggang 9, habang itinakda naman ang opisyal na seremonya ng pagbubukas sa Disyembre 10. Magsisimula ang pormal na mga kompetisyon mula Disyembre 10 hanggang 14.
Makikibahagi ang mga Pilipinong para athletes sa siyam sa labing-isang isport na tampok sa palaro, at layong tumbasan o higitan ang naging kabuuang kampanya ng bansa sa nakaraang edisyon na ginanap sa Manama, Bahrain noong 2021.
Sa nasabing torneo, nakapag-uwi ang Pilipinas ng isang gintong medalya, anim na pilak, at dalawang tansong medalya. Ang nag-iisang ginto—kasama ang dalawa pang pilak—ay napanalunan ng para swimmer na si Ariel Joseph Alegarbes.
Kabilang sa iba pang nagkamit ng medalya sina Ronn Russell Mitra at Daniel Enderes Jr. sa para athletics; Linard Sultan at Mary Eloise Sable sa para table tennis; at ang para swimmer na si Angel Otom, na kalaunan ay sumabak sa senior division at kumatawan sa bansa sa 2024 Paris Paralympics. (PSC MCO/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com