PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
MAINIT pa ring pinag-uusapan ang tila “corrupted way” of declaring the 2025 Miss Universe.
Kawawa nga talaga si Miss Mexico dahil sa kanya nabunton ang lahat ng bashing at pang-aalipusta though tama naman ang karamihan sa mga naging pagkuwestiyon nila sa tila ‘dayaan” na nasaksihan ng mga sumusubaybay sa beauty pageant.
Hindi kasi sinunod ang format na inaanunsyo ng organizer ng contest na after ma-reduce sa 30 out of 120 plus candidates ay susundan ng pagpili ng top 12 na maglalaban-laban sa gown, then top 5 in swimsuit with Q&A, then top 3, with another Q&A.
Nahinto sa top 5 ang lahat na twice na nagkaroon ng Q&A ang mga pumasok na Philippines, Thailand, Cote D’ivoire, Venezuela and Mexico. Kung ang nasabing format na pipili ng top 3 ang susundin, malamang ngang naligwak sina Mexico at Thailand dahil sa obvious na “mahina” ang mga naging performances nila.
But then again, iba ang nangyari. Wala ‘yung sinasabi ng isang judge na dating Miss Universe na accounting firm gaya ng dati. Sumabog din ang mga isyu sa koneksiyon sa negosyo ng may-ari ngayong taga-Mexico sa tatay ni winner plus iba pang pasabog mula sa nag-resign na judges.
Kahit ang ating si Louie Heredia na umupo ring judge sa lahat ng bahagi ng kontes ay hindi maipaliwanag ang nangyari dahil “individually” umano ang naging pag-judge nila at isinusumite lang nila ang kanilang scores. But he assured, binigyan niya ng bonggang scores ang Philippines dahil deserving ito sa husay sa lahat ng aspeto ng kontes.
Sang-ayon kami sa obserbasyon ng marami na ito na marahil ang “worst staging” ng Miss Universe sa buong 74 years of existence nito. Cooking show man or what, sobrang politika na ang mayroon sa dating inirerespeto at popular na beauty contest sa buong mundo.
Nakalulungkot lang. But here’s congratulating our bet, Ahtisa Manalo dahil tunay namang ipinaglaban niya ng parehas, mahusay at kapuri-puri ang Pilipinas.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com