PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
MULING iwawagayway ng GMA Network ang bandila ng Pilipinas sa global stage matapos makakuha ng apat na nominasyon sa 2025 Association for International Broadcast Awards (AIBs).
Finalist ang GMA Integrated News’ (GMAIN) flagship newscast na 24 Oras para sa ulat nitong Mole People sa ilalim ng kategoryang Continuing News.
Itinampok sa espesyal na ulat ang mga taong walang tirahan na natuklasang nakatira sa mga underground drainage tunnel sa Makati. Ang ulat ay nagbunsod ng mga talakayan tungkol sa kahirapan, kawalan ng tirahan, at kakulangan ng abot kayang pabahay sa mga urban na lugar.
Kabilang sa mga pagpipiliang entry ay ang mga news report mula sa Al Jazeera, CNA, Antena 3 CNN, Bloomberg, at Phoenix Satellite Television.
Ang 24 Oras ay pinangungunahan ng mga award-winning broadcast journalist na sina Mel Tiangco, Vicky Morales, at Emil Sumangil.
Samantala, muling napasama si Vicky sa mga finalist para sa Presenter of the Year award bilang anchor ng 24 Oras. Ang GMA Integrated News pillar, na na-shortlist din noong 2023, ay kasama sina Anoushka Mutanda-Dougherty at Divya Gopalan bilang mga shortlisted ngayong taon.
Ang top-rating at multi-awarded na programa ng GMA Public Affairs na Kapuso Mo, Jessica Soho(KMJS) ay finalist sa ilalim ng Investigative category para sa special report nito na Kidneys for Sale. Ang episode ay naglantad sa talamak at mas organisadong online na kalakalan ng pagbebenta ng human kidney sa bansa. Hosted ng most awarded and most trusted broadcast journalist sa bansa na si Jessica Soho, ang KMJS ay nominado kasama ng iba pang investigative reports mula sa US, Canada, United Kingdom, Qatar, Ukraine, at Singapore.
Finalist din ang The Atom Araullo Specials: Pogoland. Ang espesyal na ulat ay nominado naman sa ilalim ng kategoryang Domestic Affairs Documentary. Inimbestigahan ng dokyu ang masalimuot na mundo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at kung paano ito naging daan para sa human trafficking. Ang nasabing multi-awarded documentary program ay hosted ni Atom Araullo.
Itinatag noong 2004, kinikilala ng mga AIB ang pinakamataas na pamantayan sa pamamahayag at makatotohanang mga produksiyon sa mga video, audio, at digital na platform.
Sa Nobyembre 14 ilalahad ang mga nanalo ngayong taon at gaganapin ito sa London, United Kingdom.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com