
ni TEDDY BRUL, JR.
PATULOY na lumalakas ang suporta ng publiko sa FPJ Panday Bayanihan Partylist, na ngayon ay nasa ikatlong puwesto sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Pinangunahan ni Brian Poe bilang unang nominado, ang partylist ay isa na sa tatlong pinakapinipili ng mga botante, kung saan tumaas ang preference nito sa 4.76 porsiyento mula sa dating 2.45 porsiyento noong nakaraang buwan.
Ang SWS survey, na iniutos ng Stratbase, ay isinagawa mula 15 Pebrero hanggang 19 Pebrero at may 1,800 respondents na may ±2.31 porsiyentong margin of error.
Batay sa batas ng partylist, ang sinumang grupo na makakukuha ng hindi bababa sa dalawang porsiyento ng kabuuang boto ay magkakaroon ng kahit isang puwesto sa House of Representatives.
Hango sa diwa ng ‘Da King’ na si Fernando Poe, Jr., layunin ng FPJ Panday Bayanihan na tugunan ang mahahalagang suliraning panlipunan sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat komunidad—isang adhikain na tumatatak sa puso at isipan ng maraming Filipino.
“Ang pinakabagong survey na ito ay patunay na naniniwala ang mga tao sa serbisyo publikong FPJ brand! Nakikita nila ang lahat ng aming nagawa nitong nakaraang dekada, at alam nilang patuloy kaming magsisikap para sa bayan,” ani Poe.
Kamakailan lamang ay isinagawa ng FPJ Panday Bayanihan ang kanilang kickoff rally sa San Carlos, Pangasinan, at isang engrandeng rally sa Batangas, na dinaluhan ng libo-libong residente.
Kasama ni Poe sa partylist bilang ikalawa at ikatlong nominado sina Mark Patron at Hiyas Dolor.