SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NILINAW ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ang pelikulang Pepsi Paloma ay hindi nila nirerebyu sa kasalukuyan dahil hindi pa kompleto ang mga kinakailangang requirements na isinumite ng PinoyFlix.
Anang ahensiya, hindi tinanggap ng MTRCB Registration Unit ang mga materyales na isinumite ng kinatawan ng Pinoyflix dahil hiningan ng MTRCB Legal Affairs Division ang nasabing distributor ng sertipiko o clearance na walang nakabinbing kasong kriminal mula sa Regional Trial Court, sertipiko o clearance na walang nakabinbing kasong sibil mula sa Department of Justice, at sertipiko o clearance na walang nakabinbing kasong administratibo mula sa Office of the City Prosecutor.
At bilang parte ng standard review process ng ahensiya, nakipag-ugnayan kahapon ang Legal Affairs Division sa distributor para ipabatid ang mga kulang na requirements.
Ginagawa ito ng MTRCB upang matiyak na ang lahat ng pelikula ay naaayon sa Presidential Decree No. 1986 at sa mga patakaran nito. Binubuo ang MTRCB ng 30 Board Members, isang Vice Chairperson, at isang Chairperson. Ang bawat aplikasyon ay dumaraan sa isang tatlong-miyembrong komite, at kapag kinakailangan, sa ikalawang pagsusuri na binubuo naman ng limang miyembro.
Naninindigan din ang MTRCB na hindi nila isasantabi ang maling impormasyon at anumang paninirang maaaring makasira sa reputasyon at mandato nitong protektahan ang interes ng publiko. Ang anumang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon ay aaksiyonan alinsunod sa batas.
Ang nasabing pahayag ay nilagdaan ni Atty. Paulino E. Cases Jr., MTRCB vice-chairperson and chairperson of the Hearing and Adjudication Committee.
Pinamumunuan ang MTRCB ni Lala Sotto-Antonio.