Ang daan patungo sa FIVB Volleyball Men’s World Championship (MWCH) 2025 sa Setyembre ay sisimulan ng dalawang international at dalawang domestic na kompetisyon, at ang mga pambansang koponan sa indoor at beach volleyball ay lalahok sa higit sa isang dosenang kompetisyon sa ibang bansa.
Nagsimula na ang aksyon ngayong araw (Miyerkules, Enero 29) kung saan walong koponan ang maghaharap sa inaugural na Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang mga koponan ay nahati sa dalawang grupo sa preliminary round, kung saan maghaharap ang Volleyball Never Stop (VNS) Club at Silay Volleyball Club (SVC) sa unang laro ng 9 a.m., kasunod ang 11:30 a.m. na laban sa pagitan ng Zamboanga City at Lingayen sa Group A.
Ang Umingan Volleyball Club (UVC) at Notre Dame of Dadiangas University (NDDU) ay magbubukas ng Group B sa 2 p.m., at susundan ng City of Naga-Cebu Volleyball Club (CNV) at University of East (UE) sa 4:30 p.m.
“Parte ng programa ng pambansang koponan ang Under-21 championship na layuning mapanatili ang produksyon ng mga talento para sa mga international na kompetisyon,” sabi ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara, na siya ring presidente ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at executive vice president ng International Volleyball Federation (FIVB).
Magpapatuloy ang preliminaries sa Biyernes, habang ang semifinals ay itinakda sa Sabado at ang final sa Linggo. Ang championship ay suportado ng Akari, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Meralco, PLDT, Smart, AyalaLand, Nuvali, Mikasa, Senoh, Asics, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+, at Pilipinas Live.
Kasama rin sa mga domestic na kompetisyon ang National Beach Volleyball Championships sa Pebrero at ang Second AVC Beach Tour-Nuvali Open sa Abril, pareho sa Nuvali Sand Courts sa Santa Rosa City.
Ang Nuvali ay magiging venue rin para sa FIVB World Beach Pro Tour Futures.
Ang Pilipinas ang magiging host ng men’s world championship sa unang pagkakataon mula Setyembre 12 hanggang 28 sa Smart Araneta Coliseum at SM Mall of Asia Arena. (HATAW Sports)