ni ALMAR DANGUILAN
SINAMPAHAN ng mga kaso kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) sina Vice President Sara Duterte at Army Col. Raymund Dante Lachica, Vice President Security and Protection Group (VPSPG) commander, ng Direct Assault, Disobedience, at Grave Coercion sa Quezon City Prosecutors Office kasunod ng naganap na insidente sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) nitong Sabado.
Sinamahan sa fiscal’s office ni QCPD Director P/Col. Melecio M. Buslig, Jr., si Lt. Col. Van Jason Villamor, hepe ng QCPD Medical and Dental Unit at iba pang pulis upang ihain ang reklamo laban kay Duterte na sinabing nanakit sa kanila.
“We have referred a criminal complaint of Direct Assault, Disobedience and Grave Coercion,” ani Buslig.
Nag-ugat ang kaso sa komprontasyon nina Duterte at ng mga pulis nang ilipat sa St. Luke’s Medical Center mula sa VMMC ang chief of staff ng Bise Presidente na si Atty. Zuleika Lopez.
Isinugod si Lopez, sa VMMC matapos itong makaranas ng pagkahilo at pagsusuka hanggang sa ilipat sa St. Luke’s sa E. Rodriguez, QC.
Nakita sa video ang pagsita at pagduro ni Duterte sa mga pulis na noo’y itinalaga para sa kanilang seguridad.
Agad ibinalik si Lopez sa VMMC na dumanas ng acute stress disorder.
Sinabi ni Villamor, hindi nila inakala na gagawin sa kanila iyon ng Bise Presidente dahil tumutupad lamang sila sa kanilang trabaho.
Bukod kina Duterte at Lachica, ilan pang John Does at Jane Does ang sinamapahan ng kaso.