SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NILAMIG at kinilabutan. Ito ang naibahagi ni John Arcenas nang makapanayam namin ito sa premiere night ng Idol: The April Boy Regino Story na pinagbibidahan niya at gumaganap siya bilang April Boy Regino.
Karugtong nito’y tila sumanib ang kaluluwa ng tinaguriang Idol ng Masa kay John.
Sa ginanap na premiere night ng Idol noong Buyernes, November 22, sa Grand Duchess Ballroom ng Great Eastern Hotel, Quezon City, sinabi ni John na, “Pinasuot sa akin ‘yung damit ni April Boy Regino.
“Kaya habang nagsu-shoot nakaramdam ako ng kakaiba, kinikilabutan ako. Nilalamig po talaga ako literal. And ‘yun sabi pa niyong kasama naming aktres, si Tita Irene Celebre, na hindi niya nakikita si John Arcenas.
“Nakikita niya mismo si April Boy Regino, and kinikilabutan din siya.”
Nagkataong sakto kay John ang mga damit no April Boy dahil magkapareho sila ng build ng katawan ng singer.
Natanong namin kung hindi ba siya nagdalawang-isip na gamitin o suutin ang damit ni April Boy, at inamin naman nitong kinabahan siya noong una.
“Sabi ko, susuutin ko ba talaga? Kasi, I mean, respect din kay Sir April Boy, ‘di ba?
“And siyempre, kinakabahan talaga ako. Pero ang nagsabi naman po, ‘yung asawa niya po.”
At dito rin niya naramdaman na tila sumanib sa kanya ang singer.
“Sumanib po talaga. Totoo po,” giit ni John.
Si Kate Yalung ang leading lady ni John sa pelikula at gumanap bilang si Madeline, ang asawa ni April Boy. Kasama rin dito sina Rey PJ Abellana, Tanya Gomez, Dindo Arroyo, JC Regino, at Jaudencio Yago.
Palabas na sa mga sinehan nationwide ang Idol: The April Boy Regino Story simula sa November 27. Isinulat at idinirehe ng veteran actor na si Efren Reyes, Jr., produced by WaterPlus Productions ni Marynette Gamboa.
Samantala, nalaman namang boses pala mismo ni John ang ginamit sa IDOL. Singer at talagang marunong palang kumanta si John at bago siya napasok sa pag-arte kumakanta-kanta siya.
Nang matanong ukol sa pinaka-challenging na eksena sa pelikula, nasabi ng aktor ang eksenang, “nagalit siya sa Diyos. Nagkasakit na po siya, kasi grabe po ‘yung sakit niya.
“Tatlong sakit ‘yung nakuha niya, very, very emotional.
“Tapos, ‘yung preparation ko rin, nag-workshop ako. Nag-personal workshop ako para ma-achieve kung ano ‘yung gustong sabihin niyong eksena,” kuwento pa ni John.