SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAS pinalapit sa puso ng masa ang pagbabalik ng iconic ‘Barangay Hall on Air’ ng TV5 sa pagbabalik nito bilang Face to Face: Harapan. Nakasama ni Korina Sanchez-Roxas, a.k.a Ate Koring, ang mga residente ng E. Rodriguez, Quezon City sa ginanap na public viewing ng pilot episode ng programa noong Lunes, November 11, sa barangay court.
Kasama ni Ate Koring sina Donita Nose at ang bagong ‘Harapang Tagapayo’ na sina Atty. Lorna Kapunan, Dr. Camille Garcia, at Bro. Jun Banaag (kilala din bilang Dr. Love) para sa isang masayang panonood kasama ang mga ka-barangay.
Layunin ng Face to Face: Harapan na bigyang-boses ang mga totoong isyu ng mga ordinaryong Filipino at tulungang ma-resolba ang mga ito.
Tampok sa unang episode ang mainit na sagupaan ng magkakapitbahay na naakusahan ng pangkukulam! Sa kanyang prangka at pantay na pag-aanalisa, ipinakita ni Ate Koring ang kanyang husay sa pag-intindi sa mga usaping mahalaga sa masa.
Aliw na aliw naman ang mga manonood sa mga patawang hirit ni Donita Nose bilang kakampi sa mga nagdedebateng panig, habang si Ate Koring naman ang nagbibigay ng mas malalim na pananaw sa bawat alitan. Talaga namang nakatutulong ito sa mga manonood na tingnan ang bawat isyu mula sa mas bukas na perspektibo.
Sa Face to Face: Harapan, ipinakita ni Ate Koring ang kanyang tunay na malasakit sa masa, na nagdadala ng mga kwentong may lalim at damdamin. Ipinahayag niya ang tuwa sa bagong format ng programa at sinagot ang mga tanong ukol sa kanyang branding.
“My brand is masa, ang brand ko talaga ay malapit sa ordinaryong tao—kwentong buhay talaga ang aking forte. Eto at live ko na silang maririnig,” pahayag niya. “Ito naman talaga ang Korina na kilala ng lahat, ‘yung malapit sa ordinaryong tao.”
Panoorin si Ate Koring sa Face to Face: Harapan sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., bago ang Wil To Win, at sa same-day catch-up tuwing 9:00 p.m. sa One PH.