NANAWAGAN si dating senador at food security secretary Kiko Pangilinan sa pamahalaan na alamin kung may kinalaman ang pagdagsa ng imported rice at smuggling ng bigas sa pagbagsak ng presyo ng palay sa merkado.
Ito’y matapos makarating kay Pangilinan ang napakababang bilihan ng palay sa mga lalawigan, partikular sa ilang bahagi ng Nueva Ecija na umaabot lamang sa P16.50 kilo ang bentahan.
“Nakaaalarma ang mga report sa atin ng mga magsasaka na P16.50 kada kilo na lang ang bentahan ng palay. Hindi katanggap-tanggap ang presyong ito, lalo pa’t inaasahan ng mga magsasaka ang mga bagong ani nilang palay para matustusan ang kanilang pangangailangan,” saad ni Pangilinan.
Mahigit 500,000 metriko toneladang imported rice na ang pumasok sa bansa mula lamang nitong Hulyo kung kailan tinapyas ang taripa sa bigas mula 35% pababa sa 15%.
“Kapag nagkataon, malungkot ang magiging Pasko ng mga magsasaka at ng kanilang pamilya kung magpapatuloy ang mababang bilihan ng palay,” dagdag ni Pangilinan.
Kasabay nito, nanawagan si Senador Kiko sa mga lokal na pamahalaan na makialam at bilhin sa tamang presyo ang palay ng mga magsasaka sa kanilang nasasakupan.
Sa ilalim ng Sagip Saka Act na iniakda ni Senador Kiko, puwedeng bilhin ng mga lokal na pamahalaan ang produkto ng mga magsasaka sa kanilang lugar upang hindi masayang ang kanilang ani.
“Malaki ang maitutulong ng pagbili ng mga lokal na pamahalaan para magkaroon ng masayang pagdiriwang ng Pasko ang ating mga magsasaka at kanilang pamilya,” ayon kay Pangilinan. (HNT)