HIMAS-REHAS ang dalawang indibiduwal matapos sitahin ng mga nagpapatrolyang pulis dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar ngunit kalaunan ay nahulihan ng droga sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan City Chief of Police (COP) P/Col. Paul Jady Doles, kinilala ang dalawang suspek na sina alyas Jay, 32 anyos, residente sa Caloocan City; at alyas Jun, 35 anyos, residente sa Bulacan.
Base sa ulat ng Northern Police District (NPD), dakong 11:20 kamakalawa ng gabi habang ang mga pulis ay nagroronda, naispatan ng beeat patrollers ang dalawa sa kanilang paninigarilyo sa pampublikong lugar sa 2nd avenue Barangay 120 sa naturang lungsod.
Dahil dito, kapwa sinita ang dalawa dahil sa naturang paglabag ngunit tumakbo papalayo sa mga beat patrollers.
Nauwi sa habulan ang pagsita ng pulisya hanggang masukol ang dalawang suspek na kalaunan ay nadiskubreng mayroong dalawang pakete ng shabu na kanilang dala-dala.
Tinatayang aabot sa 7.7 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P52,360 base sa standard drug price (SDP) value ang nakompiska sa dalawang suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 Section 11 ang dalawang suspek na kapwa nakadetine sa nabanggit na presinto.
Kaugnay nito, pinuri ni NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas ang masigasig na pagpapatrolya ng Caloocan Police Station na nagresulta sa pagkasakote sa dalawang drug suspects. (BRIAN BILASANO)