NASABAT ng mga awtoridad ang halos 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3,400,000 mula sa tatlong Chinese nationals sa ikinasang buybust operation nitong Lunes ng gabi, 1 Hulyo, sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pampanga Provincial Office ang mga nadakip na suspek na sina Bin Da, 23 anyos; Hei Xiao, 21 anyos; at Gua Xiao, 20 anyos, pawang naninirahan sa Shanghai Bldg., Brgy. Balibago, sa nabanggit na lungsod.
Bukod sa mga ilegal na droga, nakompiska sa mga suspek ang pitong sari-saring touch screen cellular phones; dalawang susi ng kotse; at ang marked money na ginamit ng poseur buyer.
Ayon sa team leader ng mga operatiba, sobrang maingat ang mga suspek habang nakikipagtransaksiyon, at inabot sila ng isang buwan para makipag-ugnayan sa droga sa mga suspek.
Kasalukuyan nang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) kaugnay ng Section 26B (conspiracy to sell drugs) ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)