Tiyak nang regular na makakabili ang mga mamamayan ng lungsod ng San Jose Del Monte ng sariwa at murang produktong agrikultural at iba’t ibang uri ng hilaw na pagkain, ngayong bukas na ang ‘Kasama sa Diwa’ o KADIWA Center na may permanente nang lokasyon.
Matatagpuan ito sa lupang pag-aari ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte na madadaanan sa Road 1 na nasa Brgy. Minuyan Proper.
Katabi ito ng itinayong KADIWA Center sa kaliwang bahagi ang City of San Jose Del Monte Sports Complex at nasa kanan ang City College of San Jose Del Monte.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary for Consumer Affairs and KADIWA Program Head Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, panibagong oportunidad ito upang makapagtinda nang direkta ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Bulacan, gayundin ang mga mangingisda na nasa dalampasigan ng lalawigan.
Upang matiyak aniya na maging tuluy-tuloy ang operasyon ng bagong KADIWA Center, umagapay rin ang DA para makabuo ng mga kooperatiba ang mga magsasaka at mangingisda na lalahok sa regular na pagtitinda rito.
Aabot sa 20% hanggang 30% ang kamurahan ng mga mabibiling pagkain at produktong agrikultural sa nasabing KADIWA Center kumpara sa mga karaniwang groceries at sa palengke.
Kabilang si Paola Bianca Francisco na taga-Brgy. Sapang Palay Proper na inaasahang magiging regular na suki ng binuksang permanenteng KADIWA Center.
Aniya, dahil mura ang bilihin dito, laging mauubos ang mga tinda kaya siguradong palaging sariwa at bago ang mga mabibili rito araw-araw.
Kabilang sa mga pwedeng mabili ang mga high-value commercial crops na gulay, bigas, itlog, asukal, pampalasa, root crops, prutas, isda, mga karne ng baboy at manok, mga produktong delata, canned goods, mantika, saukan gaya ng patis at suka, at mga instant noodles.
Kaugnay nito, sinabi ni San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes na minarapat ng pamahalaang lungsod na laanan ng lupa sa Road 1, sa Brgy. Minuyan, ang KADIWA Center dahil malapit sa lahat ng mga mamamayan ang lugar na ito bukod sa madali ring makasakay ng modernong dyip papunta at paalis mula sa lugar kung saan nakatayo ang KADIWA Center.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI)-Region III Assistant Regional Director officer-in-charge at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, babantayan pa din ng ahensiya ang KADIWA Center kung papaano nababantayan ang iba pang karaniwang pamilihan.
Ito ay upang mapangalagaan ang karapatan ng karaniwang mga mamimili at matiyak na maipreserba ang tunay na layunin ng KADIWA Center na hindi mapasok ng mga middlemen at secondary retailer, o ang mamimili nang marami at ibebenta nang mahal sa labas.
Dekada 70 nang ipakilala ni noong Unang Ginang Imelda Marcos ang konsepto ng mga KADIWA Center na ang ibig sabihin ay ‘Kasama sa Diwa’.
Isa itong mekanismo ng pamahalaan upang makabili ng mura, sariwa at bagong mga pagkain ang karaniwang mamamayan.
Kalakip nito ang layuning makapagtinda nang direkta ang mga magsasaka at mangingisda na hindi na kailangang makipaghatian pa ng kita sa mga middleman. (Micka Bautista)