UPANG matiyak ang mabilis, ligtas, at tumpak na transaksyon, pinangunahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paglulunsad ng Paleng-QR Ph Plus at Market Modernization sa munisipyo ng Pulilan kahapon na naglalayong magpatupad ng cashless transactions sa pagitan ng mga merchant at consumers na gaganapin sa harap ng Pulilan Public Market sa Pulilan, Bulacan.
Ang Pulilan ang kauna-unahang munisipalidad sa Lalawigan ng Bulacan na nagpatupad ng programa sa tulong ng BSP at mga financial service providers (FSPs) na nakikibahagi sa QR Ph initiative sa pagbubukas ng transaction account na gumagamit ng mga natatanging QR code para gumawa ng mga digital na pagbabayad, kaya, pagtaas ng kaginhawahan at pagpapahinto sa pagkalat ng mga pekeng pera sa mga pampublikong pamilihan, pampublikong transportasyon at iba pang negosyo.
Sinabi ni Atty. Noel Neil Q. Malimban, Regional Director ng Bangko Sentral ng Pilipinas-North Luzon Regional Office, na maaari ding gamitin ng mga onboarded user ang kanilang transaction account para ma-access ang iba pang serbisyong pinansyal tulad ng mga pautang, insurance, at investments.
“Sa local government units, ang advantage po nito ay madali na po ang pag distribute ng ayuda. Kasi kung kayo po lahat ay onboarded na, hindi na po kayo kailangan pumila at pumunta sa munispyo para tanggapin ang inyong ayuda dahil nandiyan na ang digital wallet ninyo,” saad pa niya.
Sinabi ni Atty. Malimba na sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular No. 1, Series of 2022 mula sa BSP at DILG, ang mga local government units na magpapatibay ng programa ay makakatanggap ng komprehensibong gabay, digital payments, at financial literacy sa pagpapatupad ng Paleng-QR Ph initiative, mula sa onboarding sa aktwal na paggamit ng teknolohiya.
Ipinahayag din ni Gobernador R. Daniel R. Fernando ang kanyang suporta sa BSP at DILG para sa inisyatiba at hinikayat ang mga Pulileño na samantalahin nang husto ang programang ito, tiwala na ang ibang mga lungsod at munisipalidad sa lalawigan ay susunod sa pagbabago.
“In a world that is rapidly evolving, it is crucial that we adapt and embrace technologies that can improve our everyday lives. Kaya sana sa darating ay i-adopt din ito hindi lamang ng mga bayan at lungsod sa ating lalawigan, kundi sa buong Pilipinas “sabi ng gobernador.
Samantala, dumalo naman sa araw ng pagbubukas ng account si Pulilan Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo kasama ang ilang bisita kabilang sina Regional Director Atty. Anthony C. Nuyda ng DILG; Engr. Nerve De Guzman, Assistant Provincial Head ng Department of Information and Communication Technology; at si Dir. Edna D. Dizon, OIC Assistant Regional Director ng Department of Trade and Industry, upang suportahan ang inisyatiba.
Sa kasalukuyan, available na ang cashless transactions sa Pulilan Public Market. (MICKA BAUTISTA)