NABIKTIMA ang isang security guard nang umatake ang grupo ng mga agaw-armas sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan nitong Martes ng umaga, 28 Mayo.
Sa ulat na nakalap mula sa Bocaue MPS, kinilala ang biktimang si Mark Anthony Custodio, 28 anyos, binata, security guard ng Covenant Security Agency at nakatira sa Blk 110 Lot 17 St. Martha, Brgy. Batia, sa nabanggit na bayan.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang binabantayan ni Custodio ang compound ng Ed’s Bar and Grill, sa Brgy. Caingin, sa naturang bayan, pumarada ang isang kulay itim na Toyota Fortuner at isang van sa harap ng gate ng nabanggit na establisyimento.
Humingi umano ng tulong kay Custodio ang mga lalaking pasahero para itulak ang Toyota Fortuner dahil sa engine malfunction.
Inalis ng biktima ang kandado ng gate ng binabantayang establisyemento, lumabas sa gilid at tinulungan ang mga pasahero ng van.
Dito mabilis na bumaba ang mga suspek sa dalawang sasakyan at sapilitang pumasok sa compound saka nilagyan ng bagong kadena at padlock ang gate.
Kasunod nito, bago nakakilos ang sekyu ay mabilis na inagaw ng driver at iba pang pasahero ng dalawang itim na sasakyan ang service firearm ng biktima na isang 9mm Armscor na may Serial No. 1605821 at agad na tumakas patungo sa direksyon ng bayan ng Marilao.
Isa sa sinisilip ng anggulo ng pulisya ang sinasabing alitan sa lupang kinatitirikan ng establisyemento ngunit hindi rin isinasantabi ng mga awtoridad na biktima ng agaw-armas gang ang biktima na karaniwang mga security guard sa lalawigan ang pinupuntirya.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation at koordinasyon ang mga tauhan ng kapulisan sa Bulacan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (MICKA BAUTISTA)