SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INIHAYAG kahapon ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) at ABS-CBN Corporationang kanilang partnership na maghahatid ng mga minahal na entertainment program at makabuluhang balita sa mga manonood sa pamamagitan ng free-to-air channel na ALLTV.
Naganap ang contract signing ceremony sa Brittany Hotel Villar City para sa content agreements na magbibiday-daan sa ALLTV na ipalabas ang ilang nostalgic Kapamilya shows sa ilalim ng Jeepney TVbrand at ang longest-running primetime newscast sa bansa na TV Patrol.
Simula Mayo 13, mapapanood ng ALLTV viewers ang mga pinakatumatak at pinaka-paboritong Kapamilya teleserye na handog ng Jeepney TV sa iba’t ibang oras pati na rin sa primetime pagkatapos ng TV Patrol.
Dumalo sa contract signing ang Chairman ng Villar Group na si Manny Villar, gayundin sina Sen. Mark Villar, Vista Land & Lifescapes Inc. president at CEO Paolo Villar, at All Value Holdings Corp. president at CEO Camille Villar. Kinatawan naman ang AMBS nina president Maribeth Tolentino at CFO Cecille Bernardo.
Sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, president at CEO Carlo Katigbak, chief operating officer Cory Vidanes, Group CFO Rick Tan, at chief partnership officer Bobby Barreiro naman ang kumatawan sa ABS-CBN.
Layunin ng bagong partnership na maghatid ng saya at balita sa mga manonood ng ALLTV na available sa Channel 2 sa free TV, cable, at satellite TV nationwide.