SILANG, CAVITE — Masusing iniimbestigahan ang pagkamatay sa sunog ng magkapatid na paslit base sa detalye ng mga nakapagtatakang sirkumstansiyang nakalap ng mga awtoridad sa Barangay Biluso, sa bayang ito.
Sa ulat nitong Biyernes, kinilala ng Police Regional Office (PRO 4A) ang biktimang sina Rhian Barrientos, 4 anyos, at ang nakababatang kapatid na lalaki, si Rhyle, 3 anyos.
Sa ulat ng pulisya, nagsimula ang sunog dakong 3:00 pm noong Huwebes, 18 Abril sa mismong kubo ng mga biktima.
Ayon sa kanilang mga kaanak, una silang nakarinig ng malakas na pagsabog bago sumiklab ang apoy sa bahay ng mga biktima.
Anila, parang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) ang sumabog.
Ngunit sa salaysay ng kanilang ina na si Geraldine, 22 anyos, iniwan umano niya ang dalawang anak sa loob ng kanilang kubo para maghanap ng kahoy na panggatong.
Ngunit pagbalik niya ay nakita niyang may gulo sa kanilang lugar at nasusunog ang kanilang bahay.
Natagpuan ang bangkay ng mga biktimang paslit nang maapula ang sunog na tumagal nang mahigit isang oras bago tuluyang naapula ang apoy na tumupok sa katabi nitong bahay.
Hindi umano nailigtas ang mga bata na naipit sa nagniningas na apoy.
Dumating si Silang, Cavite Mayor Kevin Anarna at nagbigay ng kaukulang tulong at suporta sa ina ng dalawang anak na namatay. (BOY PALATINO)