NAARESTO ng pulisya sa Bulacan ang anim na drug peddlers, 12 wanted persons, apat na law offenders, at anim na illegal gamblers sa iba’t ibang operasyon ng pulisya nitong Miyerkoles, 13 Marso 2024, hanggang kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, sa magkakasunod na buybust operation na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue, San Jose del Monte, at Baliwag C/MPS, anim ang naaresto sa pagtutulak ng droga.
Nakompiska sa mga operasyon ang kabuuang 21 plastic sachet ng hinihinalang shabu, may standard drug price (SDP) na P42,840 at buybust money.
Samantala, ang tracker teams ng Malolos, Sta. Maria, Bocaue, San Rafael, San Jose del Monte, San Miguel, Paombong, at Pulilan C/MPS ay magkakasunod na inaresto ang 12 most wanted persons (MWPs).
Inaresto ang MWPs sa mga kasong Rape, Estafa, paglabag sa BP 22, Slight Physical Injuries, Acts of Lasciviousness, paglabag sa RA 9262, paglabag sa RA 9165 at paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Law).
Sa kabilang banda, nagsagawa ng operasyon ang mga elemento ng Bulacan Provincial Intelligence Unit, kasama ang Pulilan MPS, kaugnay sa kasong Anti-Fencing Law at Qualified Theft sa Barangay Tibag, Pulilan.
Apat na suspek ang inaresto, at ang mga nakompiskang ebidensiya ay kinabibilangan ng isang elf truck at isang daang sako ng hilaw na materyales para sa fish meal, na iniulat na ninakaw.
Karagdagan, magkahiwalay na anti-illegal gambling operations ang isinagawa ng Baliwag at Marilao C/MPS, na ikinaaresto ng anim na na sugarol.
Nahuli ang mga suspek sa aktong naglalaro ng ilegal na baraha (Pusoy). Bukod pa rito, inaresto rin ang isang indibidwal dahil sa akto ng pangongolekta ng mga taya para sa STL nang walang identification card o sertipikasyon mula sa STL franchise na nagpapahintulot sa kanyang mangolekta ng mga taya. (MICKA BAUTISTA)