MATAPOS ang mahabang panahon na pagtatago sa batas ay naaresto na rin ang limang indibidwal na tinaguriang most wanted persons sa Region 3 kamakalawa, Pebrero 6.
Sa Bulacan, arestado ng pulisya ang Most Wanted Person (MWP) Rank 5 (Provincial Level) na si Teddy Laorio y Rombayes para sa krimeng Murder at Attempted Murder, gayundin ang MWP Rank 7 (Provincial Level) / Rank 1 (Municipal Level ng Norzagaray) na si James Buscato Jr y Cataluña para sa krimeng Attempted Rape.
Sa Nueva Ecija, arestado ng pulisya si Anthony Dela Rosa y Dela Rosa, MWP Rank 7 (Provincial Level), para sa krimeng Rape samantalang ang mga tauhan ng Zaragoza MPS ay inaresto at ikinalaboso ang isang nagngangalang Virginia Paraton y Gamboa dahil sa paglabag sa 12 bilang ng BP 22.
Arestado rin ng magkasanib na elemento ng pulisya sa Zambales ang MWP Rank 5 (Municipal Level) na si Dennis Antiguo y Bulaton sa bayan ng Masinloc para sa krimeng paglabag sa Sec 5(I) ng RA 9262 (3 counts).
Ipinaabot ni PRO3 Director PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr ang kanyang papuri sa operating troops at sinabing: “Ang matagumpay na mga operasyong ito para makulong ang mga MWP ay binibigyang-diin ang walang humpay na pagsisikap ng pulisya upang matiyak na ang mga nagtatagong pugante ay haharap sa mga kahihinatnan ng kanilang mga krimen at bigyan ng hustisya ang mga biktima ng karahasan.” (MICKA BAUTISTA)