Kampo Heneral Paciano Rizal – Timbog ang most wanted person (MWP) sa regional level sa ikinasang manhunt operation ng Biñan police sa Brgy. Bulihan, Silang, Cavite nitong Lunes, 18 Disyembre.
Sa ulat kay P/Col. Harold Depositar, Acting Provincial Director, Laguna Police Provincial Office, kinilala ang akusado na si alyas Henry, residente sa Bay, Laguna.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Jonathan Robert Rongavilla, hepe ng Biñan Component City Police Station, nagkasa ang kanilang operatiba ng manhunt operation dakong 2:50 pm nitong Lunes, 18 Disyembre 2023 sa Brgy. Bulihan, Silang, Cavite.
Ang ikinasang operasyon ay base sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 154, Biñan City na nilagdaan ni Hon. Judge Dennis Jusi Rafa, na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Henry na nahaharap sa kasong murder. Walang piyansang inirekomenda ang korte.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Biñan CCPS ang arestadong akusado at agad inimpormahan ang korteng pinagmulan ng warrant of arrest.
Ayon kay P/Col. Depositar, “Ngayong papalapit na ang Pasko, paiigtingin pa ng Laguna PNP ang mga operasyon laban sa mga nagtatago sa batas. Nagpapatuloy din ang operasyon laban sa kriminalidad upang matiyak na maayos at ligtas ang pagdaraos ng araw ng Pasko ng mga mamamayan.” (BOY PALATINO)