RATED R
ni Rommel Gonzales
MARAMI ang natuwa at na-excite dahil hindi lang apat kundi anim ang dagdag na entries sa 2023 Metro Manila Film Festival. Nitong Martes, kasama ang pelikula ng GMA Pictures at GMA Public Affairs, ang Firefly sa 10 official entries para sa inaabangang movie fest sa December.
Ang Firefly ay pagbibidahan nina Alessandra de Rossi at Sparkle child actor na si Euwenn Mikaell at may special participation ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes. Si Zig Dulay ang director ng pelikula na isang ‘coming-of-age road trip drama’ tungkol sa isang batang naghahanap sa mythical island na tampok sa mga kuwento ng kanyang ina. Kasama pa sa pelikula sina Cherry Pie Picache, Epy Quizon, Yayo Aguila, Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Max Collins, at Kokoy de Santos.