ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon ay nagsanib-puwersa sina Sylvia Sanchez, Ria Atayde, at Lorna Tolentino para sa nalalapit na showing sa Filipinas ngayong Oktubre ng internationally acclaimed Japanese drama na Monster.
Sa ilalim ng direksiyon ng inirerespeto at multi-awarded direktor na si Hirokazu Kore-eda, tampok sa pelikulang Monster ang mahuhusay na Japanese actors gaya nina Sakura Andō, Eita Nagayama, Sōya Kurokawa, Hinata Hiiragi, at Yūko Tanaka.
Umiikot ang istorya ng Monster sa isang pamilya na humaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully at isinusulong nito ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o ng mental health.
Ayon kay Ms. Sylvia na kilala para sa kanyang powerful performances bilang isang ina sa pelikula at telebisyon, “Kakaiba itong pelikulang ito, mahilig akong manood ng pelikula at sa dinami-dami ng aking napanood, isa itong Monster sa talaga namang dumurog nang todo sa puso ko bilang isang ina.”
Para naman kay Ria, na tumatayo bilang President and CEO ng Nathan Studios, isa ang Monster sa mga uri ng pelikula na angkop sa personalidad at mission-vision ng kanilang kompanya.
Aniya, “We are really aspiring and working very hard to offer cutting edge content that would challenge the minds and touch the hearts of viewers.”
Kay Lorna naman, na tinaguriang Grand Slam Queen ng Filipinas, mahalaga at napapanahon ang mensahe ng Monster, “Dapat talagang ma-address natin ang laban sa bullying at ang pagpapalaganap ng malusog na pag-iisip para sa lahat ng tao, bata man o matanda.”
Nagsimula ang partnership nina Sylvia at Ria ng Nathan Studios at ni Lorna noong nakaraang summer nang sama-sama silang bumiyahe sa Cannes Film Festival sa France para sa espesyal na screening ng Topakk na pinagbibidahan ni Arjo Atayde at idinirek ni Richard V. Somes.
Bukod sa screening ng Topakk sa Cannes, dito rin nagsosyo ang Nathan Studios at si Lorna sa pagbili ng mga pelikulang kanilang ire-release for theatrical showing dito sa Filipinas.
Ang Nathan Studios ang nasa likod ng mga dekalidad na proyekto gaya ng Cattleya Killer na mapapanood ngayon sa streaming platform na Amazon Prime Video at ang Topakk na isang action-thriller genre film na kasalukuyang umiikot sa iba’t ibang prestihiyosong international film festivals sa iba’t ibang panig ng mundo gaya sa Switzerland, Japan, at Amerika.
Aminado ang tatlong premyadong aktres na malaki ang naging epekto sa kanila ng pelikulang Monster sapagkat talagang pinukaw at dinurog nito ang kanilang mga puso.
“Isa na ito sa pinakamagandang pelikula na napanood ko. Mapapaisip ka talaga kung sino ba talaga ang Monster,” paglalarawan ni Ms. Sylvia sa Monster na lumaban para sa Palm d’Or sa katatapos lang na 76th Cannes Film Festival. Dito rin pinarangalan ang pelikula ng Best Screenplay award.
Bilang magulang at ina, nagkakaisa sina Sylvia at Lorna na karapat-dapat panoorin ng bawat Filipino ang pelikulang Monster dahil sa mga aral ng buhay na kanilang matutuhan dito gaya ng pagmamahal sa anak at pagpapahalaga sa pamilya.
Para naman kay Ria, may matinding kurot sa puso ang Monster sa kanya bilang isang anak na may sariling mga pangarap at minimithi sa buhay. “Iba ang pagmamahalan ng isang ina at ng kanyang anak. Malalim ito at napakasakit kung ito ay mawawasak,” pakli ng aktres.
Tiniyak din ng tatlong aktres na major shocker ang ending ng pelikula matapos nitong yanigin ang buong mundo sa husay ng storytelling at acting na mapapanood dito.
Ipalalabas ang Monster sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa sa darating na Oktubre 11 at kasalukuyang naghahanda ang Nathan Studios kasama ang isa pa nitong partner, ang 888 Films International, para sa isang red carpet special screening na dadaluhan ng mga bigating industry personalities gaya ng mga direktor, mga artista, press at online influencers, at mga kritiko ng pelikula.
Para sa karagdagang impormasyon at exciting news updates ukol sa Monster at sa iba pang mga proyekto ng Nathan Studios, sundan ang @nathan.studios sa Instagram at i-like ang Nathan Studios Inc. sa Facebook.