SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
IGINIIT muli ni dating Sen. Tito Sotto na walang karapatan ang TAPE, Inc. na ipagdiwang ang 44th anniversary ng Eat Bulaga.
Sa kanyang Twitter account, inihayag ni Tito Sen na, “Tape inc has absolutely no right to celebrate 44 years. They existed only in 1981.
“They did not exist in 1979. EB ceased to be EB when TVJ left them.”
Sinang-ayunan ng karamihan ang tweet na ito ni Tito Sen at siyempre mayroon ding kumontra.
Anang mga kumontra, ang pamilya Jalosjos din ang may-ari ng Production Specialist na unang producer daw ng Eat Bulaga.
“Production Specialist is the 1st producer of EB which is also owned by Romeo Jalosjos,” komento ng isang netizen.
Noong Sabado, July 29, nagdiwang ng ika-44 anibersaryo ang Eat Bulaga sa GMA 7 kasabay ng paglulunsad ng bago nilang theme song, ang Tahanang Pinakamasaya, Eat Bulaga. Kinanta ito nina Isko Moreno, Paolo Contis, Betong Sumaya, Buboy Villar, Mavy at Cassy Legaspi, Winwyn Marquez, Chariz Solomon, Dasuri Choi, Yasser Marta, Michael Sager, at Kimpoy Feliciano.
Samantala, nagdiwang din ang TVJ ng kanilang anibersaryo kasama ang kanilang mga co-host ng “National Dabarkads Day” sa show nilang E.A.T. sa TV5.