LUBOG SA BAHA ang 22 munisipalidad at lungsod sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Lunes, 31 Hulyo, dulot ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan dala ng bagyong Egay at ng habagat na pinalakas ng bagyong Falcon.
Batay sa ulat mula kay Bulacan Vice Governor Alex Castro, lubog pa rin sa baha ang mga bayan ng Angat, Norzagaray, San Ildefonso, San Rafael, Marilao, Sta. Maria, Balagtas, Bustos, Plaridel, Baliuag, Bocaue, Guiguinto, Pandi, Hagonoy, Paombong, Pulilan, Calumpit, Bulakan, at Obando; at mga lungsod ng Meycauayan, Baliuag, Malolos, at San Jose del Monte.
Dagdag ni Castro, apektado ang may kabuuang 21,585 indibidwal o 5,601 pamilya na namamalagi ngayon sa evacuation centers.
Dahil dito, inianunsiyo ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang suspensiyon ng trabaho at klase sa buong lalawigan nitong kahapon.
Samantala, ang water level sa Angat Dam, ang pangunahing supplier ng tubig sa Metro Manila, ay tumaas hanggang 195.05 metro nitong Lunes, o 15 metrong mataas sa minimum operating level na 180 metro, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration. (MICKA BAUTISTA)