SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI nagpatinag sa malakas na ulan sina Tito Sotto at Joey de Leon para harapin ang team Jalosjos kahapon ng umaga sa Marikina Regional Trial Court sa first hearing nila ukol sa isinampa nilang kaso.
Maagang dumating sina Tito Sen at Joey minus Vic Sotto gayundin si Jenny Ferre na kasama nilang nagdemanda at ang kanilang legal counsels na sina Atty. Enrique dela Cruz at Atty. Isaiah Asuncion mula sa DivinaLaw.
Kasong “Copyright Infringement and Unfair Competition under R.A. No. 8293, otherwise known as the Intellectual Property Code of the Philippines, with Application for Issuance of a Writ of Preliminary Injunction” ang isinampang kaso ng TVJ at ni Ferre sa MRTC noong June 30 laban sa Television and Production Exponents, Inc. (TAPE) at GMA Network.
Sa kanilang petisyon, sinasabi ng TVJ na ang copyright ng show na EAT BULAGA ay kanila gayundin ang underlying derivative works (music, segments, and audio visual clips) that likewise deserve protection.
Wala ang magkapatid na Jon at Bullet Jalosjos at tanging ang kanilang abogadong si Atty. Maggie Abraham-Garduque ang dumating at nag-represent sa kanila.
Pagkatapos ng hearing na tumagal ng mahigit sa isang oras, nagpaunlak ng maigsing panayam sina Tito Sen at Joey.
Ani Tito Sen, “ang bottom line ng pinag-uusapan namin at sinasabi namin dito, copyright. Sino ang may-ari ng copyright? ‘Yung gumawa.
“Trademark? Ang trademark, mayroon pa ngang cancellation, eh. Mayroon siyang tinatawag na after 10 years, nawawala.”
“Ang tanong dito kasi, na sinasabi nga namin sa korte, ‘sino ang may-ari ng pangalang ‘Eat Bulaga?’ So, we’re saying that they are deceiving the people by saying na sila ‘yung ‘Eat Bulaga.’ Hindi ba?
“So, pwede namang ituloy nila ‘yung programa nila kung gusto nila, pero palitan nila ‘yung pangalan nila. ‘Yun ang punto namin,” tuloy-tuloy na pahayag ng senador.
Ipinunto rin ni Tito Sen ang pag-ere ng replays ng Eat Bulaga sa GMA-7 mula May 31 hanggang June 3 ng walang permiso mula sa kanila.
“Infringement ‘yun sapagkat wala silang paalam sa amin. Tulad ng ginawa nila noong (May) 31 hanggang June 3, nag-replay sila nang nag-replay,” pahayag ni tito Sen.
Natanong si Tito Sen kung gaano sila kakompiyansa na maipapanalo ang kaso, sinabi nitong, “we’re very confident, with God’s help, I’m sure, the truth will come out. At alam ng taong bayan, alam ng Panginoong Diyos, alam ng publiko kung sino ang nag-imbento ng pangalang ‘Eat Bulaga.’ ‘Yung programa nila, bahala sila sa programa nila, palitan nila ng title nila.”
Iginiit naman ni Joey, “basta kami, nagsabi lang kami ng totoo, nagsabi lang kami ng totoo. ‘Yun lang, bahala na kayo.”
Sa July 31 ang ikalawang hearing ng TVJ vs TAPE. Bukas ang aming pahina para sa anumang pahayag ng kabilang kampo.