SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAKALULULA ang halaga ng ginastos ng may-ari ng Blvck Entertainment na sina Eng’r Louie at Grace Cristobal sa music video ng kanilang alagang P-Pop group, ang Blvck Flowers sa awiting PPop Star.
Ang carrier single na PPop Star ay komposisyon nina Romel Afable at JG Beats bilang Beat Producer. Ang awitin ay shoutout sa mga artist na gustong makagawa ng marka sa industriya. Ito’y ginawan ng music video na likha ni direk Titus Cee kasama ang creative director na si Jon Gutierrez a.k.a.. King Badger. Ito ang music video na ginastusan ng P3-M.
First time ipinakita, ipinanood ang naturang music video sa launching ng album at music video ng Blvck Flowers kamakailan at hindi napigilan ng grupo na binubuo nina Yara, Shanis, Pola, at Candace ang maiyak.
Sobra-sobra nga ang pasasalamat ng apat kina direk Titus at direk Jon dahil anila’y marami silang natutunan sa music video.
Sabi nga ni Shanis, “Ang music video na iyon actually hindi namin in-expect. Kahit kami ang andoon hindi namin in-expect na ganoon ang magiging outcome. Ang tagal na naming kinukulit sina sir Louie na mapanood na namin para makagawa na kami ng reaction video. Pero hindi siya pumayag kasi nga much better na andito ngayon sa launching. Which is true kasi habang pinanonood namin kasama kayo kanina, sobrang grabe ang kabog ng puso ko. Sobrang thankful kami kina sir louie and ma’am grace, maraming salamat talaga, sa Blvck Entertainment, sobrang sayala talaga.”
Hindi rin maipaliwanag ni Candace ang sobrang saya. Aniya, “wala kaming tulog tapos may mga scene roon na roon na mismo namin inaaral, ang ganyang kagandang mv namin marami ang naghirap diyan.”
Sinabi naman ni Pola na marami rin silang kinaharap na challenge at struggles sa paggawa ng mv. Pero ok lang daw dahil sobrang worth it dahil napakaganda ng pagkakagawa.
Sa kabilang banda, ang pangalan ng grupo ay mula sa kombinasyon ng “black” (ang kanilang talent management) at “flower” na sumisimbolo sa women empowerment.
“Black and flower mean power and beauty, these two words sum up the core goal of our group which is to see, use and enhance beauty as a positive force through music, artistic performance, and influence,” anang apat.
Ang apat ay may proper knowledge at background sa pagpe-perform at sila’y mga academic achiever. Si Yara ang all rounder, lead vocalist, at lead rapper ng grupo at napanood na rin sa TV tulad ng Happy Together ng GMA 7na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz. Isa rin siyang print ad model at brand ambassador.
Si Shanis naman ang main rapper at lead dancer. Isa rin siyang ramp model at kasali sa kanilang school dance organizations simula elementarya.
Main vocalist naman si Pola na nakalabas na sa maraming pelikula at TV show tulad ng Centerstage sa GMA na ipinakita niya ang galing sa pagkanta. Nakalabas na siya sa mga pelikulang 3pol Trobol: Huli Ka Balbon at Will You Marry Me.
Si Candace naman ang visual at main dancer at isa ring commercial model at “Girl on Fire” contender sa It’s Showtime.
Lahat sila ay gustong maka-collab ang G22 na isa ring all-girl group na mina-manage ng Cornerstone Entertainment. Samantalang idol nila at itinuturing na music influence sina Sarah Geronimo, Yeng Constantino, at Belle Mariano.
Ipinakikilala rin ng PPop Star ang bagong PPop sound na unconventional, edgy, at radical. Ito iyong new sound sa hip choreography na binuo ni Ren Bernardino.
Ang iba pang awitin sa album ay ang Blvck Flowers, na komposisyon din ni Romel Afable, Eyy at Sindikato na parehong collaboration ng grupo kay Afable at Engr. Louie kasama ang JG Beats bilang sole beat producer.
Ang Blvck Flowers digital album ay available sa Spotify, Apple Music, iTunes, Amazon, Deezer, Medianet, Boomplay, You Tube Music.