SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAGANDA ang alok at tumugma sa gusto nilang mangyari. Ito ang mga ibinigay na dahilan nina Tito Sotto at Joey de Leon nang makapanayam sila kahapon nina Cristy Fermin at Romel Chika sa Cristy Ferminute ukol sa paglipat ng TVJ sa TV5.
Halos lahat pala ng network ay nag-alok sa TVJ pero ang TV5 ang may pinakamagandang offer kaya ito ang nagustuhan nila.
Ayon kina Tito at Joey, ang Media Quest ang kausap nila sa paglipat ng Eat Bulaga sa TV5.
“Sa ilang araw naming pagmimiting, ang TV5 ang pinakamagandang oportunidad. Ang TV5 ang may magandang offer kasi hindi lang Air TV, napakaraming platforms. Tatlong channel n’yo may HD, may Channel 51, tapos may Cignal TV.
“Even sa abroad napakalaki ng following ninyo kaya iyon ang pinakamagandang offer ng Media Quest, ‘yun ang aming kausap,” paliwanag ni Tito Sen.
Sinabi pa ni Tito Sen na na hindi nila kasama si Mr. Antonio Tuviera sa TV5 dahil pag-aari pa rin niya ang 25% sa TAPE, Inc..
Ukol naman sa timeslot sinabi ni Tito Sen na hindi sila makikialam at ang estasyon ang bahala. Ito’y bilang tugon sa tanong ni Tita Cristy ukol sa magiging timeslot ng kanilang show.
Makakasama pa rin nila si Maine Mendoza sa TV5. “Yes, as a matter of fact kahit siya ay ikakasal na, nagbilin siya sa amin basta may mga meeting at kalakal siya raw ay handang sumama sa lahat ng oras,” ani Tito Sen.
Ukol naman kay Alden Richards, puwede nila itong isama kung walang kontrata sa GMA 7.
Posibleng first week ng Hulyo mapanood ang TVJ at iba pang Dabarkads.