SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
BAYAD na ang P30-M utang kay Vic Sotto ng TAPE, Inc.. Ito ang kinompirma ni Vic kahapon sa isinagawang media conference ng bago niyang sitcom sa GMA 7.
“Okay na bayad na, buti na lang na-media,” nakangiting sabi ng mister ni Pauleen Luna nang uriratin ang ukol sa pagkakautang ng TAPE na inihayag noon ni Sen. Tito Sotto.
Hindi nga raw agad naniwala ang mga press na kausap ni Vic at akala’y nagbibiro lang ang komedyante kaya naman iginiit ng aktor/host na, “Oo, nabayaran na! It’s not a joke.
“Nabayaran na, thank you. Hindi ko naman inaasahan ‘yun, kaya thank you na rin,” sabi pa nito.
Naibahagi rin ni Vic na matagal nang nagkakaproblema ang Eat Bulaga kaya hindi na bago sa kanila ang mga nangyayari ngayon sa programa, lalo na sa kanila nina Tito Sen at Joey de Leon.
Pagbabahagi pa ni Vic, “Alam n’yo ang TVJ sanay na sa mga ganoon. We’ve started halos wala kaming sinusuweldo. Sabi ko nga noong isang araw, hindi naman pera-pera lang ang usapan, eh.
“Mas mahalaga pa rin ‘yung prinsipyo sa pera,” giit pa nito.
At nang matanong si Bossing Vic ukol sa kung okay na ngayon ang Eat Bulaga matapos maglabasan ang rebelasyon hinggil sa pinagdaraanan ng buong produksyon, kabilang na ang mga hosts, sinabi nitong, “I will comment on that when the time comes, sa tamang panahon.”
Bago ito’y nasabi ni Vic na wala siyang balak na magsampa ng kaso laban sa TAPE.
“Wala, hindi ako ganoon. Kung mababayaran ako, eh ‘di well and good. Kung hindi naman, eh ‘di, ayos lang,” anito sa isang panayam.
Sinabi rin ni Bossing Vic na nakikipag-usap naman sa kanya ang mga taga-TAPE tungkol sa milyones na utang sa kanya.