SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NILINAW kapwa nina Charo Santos-Concio at Lorna Tolentino ang ibinabatong sisi kay Coco Martin simula nang mag-shooting ang grupo nila ng kanilang teleseryeng FPJ’s Batang Quiapo. Ito ay ang nalulugi at nawawalan na raw ng kita ang mga vendor sa ilang bahagi ng Quiapo, Manila.
Sa Quiapo madalas nagsusyuting ng FPJBQ kaya naman inintriga ang grupo ni Coco. Kaya naman binigyang-linaw ito nina Ms Charo at Lorna at iginiit na wala silang nakita o naramdamang galit o negatibong komento mula sa mga nagtitinda sa paligid ng Quiapo habang nagsusyutiny sila roon.
Si Charo si Aling Tindeng, ang lola ni Coco o Tanggol, samantalang isa sa bagong character si Lorna, si Amanda Salonga sa “
FPJ’s Batang Quiapo.
“Isang beses lang akong nag-shooting sa Quiapo, at ang observation ko naman, may paggalang naman ang buong produksiyon sa mga tao at sa lugar,” ani Ms Charo sa isinagawang presscon ng Batang Quiapo.
“At wala akong naramdaman na hindi kami welcome. Maayos na maayos naman. Kaya nga nagulat ako noong nagkaroon ng kaunting (intriga) ingay. Kasi maayos naman, eh.
“Wala akong recollection na may kahit nagparinig? Welcome, very welcome kami roon sa lugar. Mababait sila sa amin.
“At ang maipagmamalaki ko, maayos ang produksiyon, at iginalang ng produksiyon ang lugar. ‘Yun ang importante. ‘Yun ang importante sa production,” giit ni Ms Charo.
Sa Binondo, Manila Post Office naman nakapg-shoot si LT at sa iba pang lugar na kalapit ng Quiapo, “Hindi ko kasi nararamdaman ‘yun. Ang nararamdaman ko, welcome kami. Kasi kahit sa ‘Ang Probinsyano,’ nagti-taping din kami sa Quiapo.
“Roon nag-start ang karakter ko na as Lily, Quiapo din, eh. Wala kaming naramdamang problema,” sambit pa ni LT.
Sinabi naman ni Coco na maraming mga lugar ang nagiging instant tourist attraction dahil may isang pelikula o teleserye na kinunan sa lugar na iyon.
“Ganoon din ang nangyayari sa ‘Batang Quiapo.’ Pero hindi natin maiaalis kasi ngayon na because of the social media, na napakadaling gumawa ngayon ng opinyon ng isang bagay na kaya mong pagandahin o sirain.
“Nagkataon lang na siguro may mga taong hindi naman lahat papabor para sa amin o pabor para sa ‘Batang Quiapo.’
“Siguro noing sinabi niya ‘yun, hindi ko alam kung ano man ‘yung talagang intensiyon. Pero ang masasabi ko lang po, ‘yung totoong mga tao roon na nakakasalamuha namin, masaya sila,” ani Coco.
Samantala, malaki ang pasasalamat ni Coco sa mataas ang ratings at online views ng Batang Quiapo.
“Salamat po sa lahat ng taong nagmamahal at sumusuporta sa ‘Batang Quiapo’ sa simula’t simula pa.
“Kayo ang dahilan kung bakit naging maganda po ang kinalabasan ng aming programa.
“At dahil po rii ay marami pa rin po tayong mga kasamahan kahit paano sa industriya na natutulungan para muling makabalik sa industriyang ito.
“Kaya thank you so much po talaga. Maraming-maraming salamat po sa lahat ng mga pagtulong at pagmamahal ninyo sa amin,” sambit pa ng aktor/direktor.
Kaya sa mga susunod na episode ng serye tiyak magugulat ang mga sumusubaybay at susubaybay pa sa Batang Quiapo simula ngayong, Lunes, May 8.
Kaya tutok na para malaman ang mga pasabog ni Tanggol sa Batang Quiapo.