REALITY BITES
ni Dominic Rea
ILANG buwan din nagpahinga ang anak-anakan naming si Sean De Guzman sa paggawa ng pelikula after umariba last December para sa kontrobersiyal na pelikulang My Father, Myself kasama sina Stiffany Grey, Dimples Romana, at Jake Cuenca.
Hindi naman sa namimili na rin siya ng gagawing proyekto, hiniling niya rin sa kanyang manager na si Len Carrillo na makapagpahinga ng kaunti dahil aminin naman nating simulang bumulaga ang kanyang showbiz career ay halos walang pahinga si Sean sa paggawa ng pelikula sa bakuran ng 316 Media Network at para sa Vivamax.
Ang magandang balita ay naggagandahang pelikula pa ni Sean ang hindi natin napapanood na magiging mas proud ka pa sa pagiging aktor niya. Tulad ng mga pelikulang Fall Guy, Sa Kanto Ng Langit at Lupa, at A Cup Of Flavor. Mga pelikulang beautifuly written at pang-international ang atake.
Noong huli naming makausap si Sean, mismong si Ms Len ang nagbalita sa aming isang magandang project ang niluluto para kay Sean na pagtatambalan nila ni Barbie Imperial at kapag natuloy pa ang isang magandang project ay makakatrabaho niya rin ang isang sikat na aktor.
Mukhang level-up na nga ang Vivamax King dahil mukhang sa Viva Prime naman ngayon ang punta niya. Aktor kasi. Mahusay din naman kasing aktor kaya posible ang lahat ng pagbabago.