FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
INIIMBESTIGAHAN si Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves matapos iturong utak umano sa brutal na pag-atake kay Gov. Ruel Degamo na ikinasawi ng gobernador at ng walong iba pa nitong 4 Marso.
Bukod pa ito sa kahaharaping kaso ng kongresista kaugnay ng mga baril, pampasabog, at bala na nasamsam mula sa mga bahay na pagmamay-ari ng kanyang pamilya nitong 10 Marso. Nagkataon pang ang isa sa mga naaresto ng pulisya sa ginawang pagsalakay ay sangkot sa pamamaslang sa tatlong katao noong 2019.
Kaagad iminungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kanselahin ang pasaporte ni Cong. Arnie Teves upang mapilitan siyang bumalik sa bansa. Lumiliit na ang mundong ginagalawan ni Teves.
Sakaling tuluyang makulong si Cong. Arnie, nakikinita ko nang magiging magkakapit-selda sila ng isa pang interesanteng personalidad, si dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag. Mistula kasing pareho silang may “Kill! Kill! Kill!” mentality. Aabangan natin ‘yan.
Nasa ‘yo na ang bola, Mr. President
Isinulat ng Congress reporter na si Ellson Quismorio ang isang detalyadong artikulo na may titulong “Quimbo cracks code on how the onion cartel works” sa Manila Bulletin nitong weekend. Sa artikulo, ibinunyag ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo kung paano ginagawa ang hoarding ng sibuyas upang mamanipula ang presyohan nito sa merkado.
Tinunton niya ang pagsasabwatan umano ng ‘Sibuyas Queen’ na si Lilia Cruz (alyas Leah Cruz) at ng Vieva (Vegetable Exporters and Vendors Association) Philippines, Inc. nito; ang logistics firm na Golden Shine; at ang mga cold storage facilities na tulad ng Tian Long Corp., sa Bulacan upang makorner ang supply ng sibuyas mula sa mga naunang inangkat na magbibigay ngayon ng bentaha sa kanilang cartel upang bilhin nang bulto-bulto at sa paluging presyo ang ani ng mga lokal na magsasaka.
Ito, ayon kay Quimbo, ang nasa likod ng pagkontrol ng cartel sa supply, at kalaunan, sa magiging presyohan ng sibuyas. Kaya ang malaking katanungan ngayon — ano ang susunod na gagawin ni Mr. Bongbong Marcos, bilang Agriculture Secretary at Pangulo ng bansa?
Bilang na pabor sa Cha-cha o sa kudeta?
Atat sa Charter change (Cha-cha), kung saan-saan pumupunta pero mistulang walang aktuwal na patutunguhan si Sen. Robinhood Padilla sa ginagawa niyang “consultation caravan,” iginigiit ang ideyang ngayon ang pinakaakmang panahon upang rebisahin ang 1987 Constitution.
Sa ngayon, nakarating na siya sa Baguio, Cebu, at Davao; kung pakikinggan ang mga naging talakayan, maraming kinatawan ng iba’t ibang sektor ang nagbato ng mga mapanghamong katanungan o diretsahang kinuwestiyon kung kailangan nga ba ito.
Ginagastusan ni Padilla ang paghahakot niya ng suporta, pero kailangan pa rin niyang pakaisipin kung paano niya makokopo ang three-fourths vote (18 sa 24) na kinakailangan sa Senado. Una na niyang sinabi na suportado raw ng 12 senador ang kanyang misyon sa Cha-cha, pero wala pang sinuman sa kanila ang lumantad upang diretsahang kompirmahin ang suporta nila kay Padilla.
Naiintindihan ko ang labis na pagkadesmaya ni Padilla na ang pinakapangunahing nagsusulong noon ng usapin ng Cha-cha ay si Senate President Migz Zubiri, na prangkahan ngayon sa pagsasabing hindi ito mararatipikahan dahil hindi sapat ang botong makukuha nito, at hindi rin suportado ng Pangulo. Tapos.
At dahil sa pagsasabi ng totoo, minumulto ngayon si Zubiri ng mga bulungan ng kudeta sa Senado. Kailangan lang ng kalahati at isa ng mga kasapi ng Mataas na Kapulungan upang makapaghalal ng bagong Senate President. Ipinagtataka lang namin kung umiiral ba ang 13 boto na iyon at kung ang bilang na iyon ba ay pareho ng bilang na iginigiit ni Padilla na nakasuporta raw sa kanyang Cha-cha.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.