MA at PA
ni Rommel Placente
SABI ni Direk Joel Lamangan, direktor ng Oras de Peligro, na dahil sa pelikulang ito, ay patuloy siyang nakatatanggap ng death threats.
Sabi ni Direk Joel, “Maraming mga banta, pero hindi ako natatakot at hindi ako dapat matakot.
“Kasi kung matatakot ako, sino pa ang gagawa ng ganitong pelikulang pantapat sa kanila? Ang pagsasabi ba ng totoo ay dapat na ikatakot?
“Dapat tayong magpasalamat na may producers gaya ng Bagong Siklab Productions na willing mag-finance ng mga pelikulang nagsasabi ng totoo,” mariin pa niyang sabi.
“Ang gusto nilang gawin, pagtakpan ang katotohanan, baguhin ang kasaysayan at sila (Marcoses) ang palabasing kawawa. Ang mga Filipino talaga ang nagpatalsik kay Marcos noon sa Malacanang. ‘Yun ang totoo at dapat, igalang natin ang kasaysayan.
“Maaaring nabulag na nila ang mga kabataang Filipino pero dapat, tayong mga Filipinong nakaranas ng kung ano ang totoo, tayo’y magbantay at hindi pumayag na baguhin nila ang katotohanan at ang history.
“Aba’y kawawang-kawawa naman ang bayan natin dahil anim na taon pa silang nandiyan para baguhin kung ano ang tunay na naganap sa bansa natin,” saad pa ni Direk Joel.
Pag-amin pa niya, “Inaatake na ko sa puso while doing this and my doctor told me to stop. But I felt I have to finish this, kailangang magawa ko ito. I only went to the hospital for my bypass after I’ve completed the movie.
“The doctor said na kung nagtagal-tagal pa, natuluyan na siguro ako. But I’m glad sa natapos kong pelikula and I’m very proud of our movie,” buong pagmamalaking sabi pa niya.
Showing na sa March 1 ang Oras de Peligro. Bida rito sina Cherry Pie Picache at Allen Dizon.